CHINA NAGLALATAG NG UNDERWATER PIPES SA BAJO DE MASINLOC

NAKATAKDANG magsagawa ng imbestigasyon ang pamahalaan ng Pilipinas hinggil sa ulat na naglalatag umano ng underwater pipes ang China sa bahagi ng Bajo de Masinloc.

Sa AFP regular press briefing na ginanap sa Fort Bonifacio sa Taguig City, inihayag ng Philippine Navy na kasalukuyan nilang kinukumpirma ang ulat hinggil sa pipe installation sa gitna ng Scarborough Shoal, o Panatag Shoal o Bajo de Masinloc.

“There were reports of having pipes spotted underwater, but we are still confirming this,” pahayag ni Philippine Navy Spokesperson for the West Philippine Sea, Commodore Roy Vincent Trinidad sa nasabing pulong balitaan.

Matatandaang nanawagan ang National Security Council (NSC) na magsagawa ng international inspection mula sa third party inspectors upang makumpirma ang totoong sitwasyon sa Bajo de Masinloc.

Kasunod ito ng mariing pagtanggi ng China sa binabanggit na “environmental destruction” na kasalukuyang ginagawa umano nila sa naturang isla.

Samantala, sa ginanap na press briefing, sinabi ni Commodore Roy Vincent Trinidad, reaksyon umano ng China sa idinaos na civilian mission ng ‘Atin Ito’, ang pagdoble ng bilang ng Chinese Vessels sa Bajo de Masinloc.

Ayon sa datos na inilabas ng Philippine Navy, nasa 55 barko ng China ang na-monitor sa Bajo de Masinloc mula Mayo 14 hanggang 20, na halos doble ng 28 barkong naobserbahan noong Mayo 7 hanggang 13.

Kamakailan, inihayag ni Mark Figueras, team leader ng “Atin Ito” regatta advance boat, sa isinagawang civilian mission sa Panatag Shoal, na nakita ng mga mangingisda ang ginagawang pipe installation sa loob ng low-tide elevation ng Panatag Shoal.

Tiniyak naman ni Trinidad na maraming paraan para makumpirma ng Philippine Navy ang nasabing ulat.

“We can send out a ship, an aircraft; use satellite tracking. We could leverage our partners and allies. Maraming paraan,” ayon pa sa tagapagsalita. (JESSE KABEL RUIZ)

190

Related posts

Leave a Comment