(NI CHRISTIAN DALE)
TINIYAK ng Malakanyang na hanggang taong 2022 na lamang ang concessionaires agreement sa pagitan ng pamahalaan at Maynilad Water Services Inc. at Manila Water Company Inc.
Dapat sana ay tatagal nang hanggang taong 2037 ang concessionaires agreement subalit nauna nang sinabi ng Pangulo na isusulong na makasuhan ng economic sabotage ang dalawang water concessionaires dahil umano sa hindi patas na kontrata ng mga ito sa gobyerno.
Napag-alaman na nakuha ng dalawang water concessionaire ang ekstensyon ng kanilang kontrata na mula 2022 hanggang 2037.
Kinumpirman naman ni MWSS deputy administrator Leonor Cleofas ang pagkansela ng kontrata sa joint hearing ng House Committees on Good Government and Public Accountability at on Public Accounts.
Naibaba ang desisyon noon pang Disyembre 5 sa isinagawa nilang board meeting.
Sa kabilang dako, hindi naman naniniwala si Sec. Panelo na ikalulugi o malulugi ang 2 water concessionaires kapag hindi natuloy ang ekstensyon ng kontrata ng hanggang 2037.
Ani Sec. Panelo, malaki na ang kinita ng Maynilad at Manila Water mula sa concessionaires agreement.
Iyon aniya ang dahilan kung bakit nais na baguhin ng Pangulo ang nakita nitong onerous provisions sa concessionaires agreement kabilang na ang hindi nito paghahain ng tamang income tax, kontrolado aniya ng mga ito ang rate ng tubig at iba pa.
Kaya paano aniya sasabihin na malulugi ang dalawang water sa concessionaires na ito.
Samantala, nagbabala si Pangulong Duterte ng military take over sa mga operasyon ng water firms sa Metro Manila oras na mabigo ang mga ito na ayusin ang mga sarili.
Ito ang inihayag ng Pangulo kahit sinabi ni Finance Secretary Carlos Dominguez III na magiging bukas ang gobyerno sa mga adjusments sa mga kontrata ng mga water concessionaires na Maynilad at Manila Water.
Ayon sa Pangulo, kailangan niya makita ang pagiging sinsero ng water firms sa pag-shape up, dahil kung hindi ay ipapa-take over niya ang mga ito sa militar.
Matatandaan na sinabi ng Finance Secretary na sinimulan na ng Department of Justice at Office of the Solicitor General ang pag-review sa concession agreements upang alamin ang mga probisyon na disadvantageous sa gobyerno.
Ipinunto rin ni Dominguez na nakipag-usap na siya sa mga opisyal ng concessionaires at hinimok ang mga ito na magpasa ng proposal para sa pagsasaayos ng kanilang kontrata.
122