(NI BETH JULIAN)
SA pagkakataong ito, bigo na naman ang pamahalaan na mailabas mula sa bansa ang mga basurang itinambak ng Canada noong 2013 at 2014.
Ito ay matapos aminin ni Presidential spokesperson Atty. Salvador Panelo sa ibang press briefing sa Malacanang, na aabutin pa ng isa hanggang tatlong buwan ang hihintayin bago pa kunin ng Canada ang nasa 69 container vans ng mga basura nito na nakatambak sa bansa.
Mayo 15 sana ang takdang petsa ng pangako ng Canada na kukunin ang mga nabanggit na dami ng basura kasunod na rin ng katiyakan na aakuin na nila ang lahat ng gastusin para mailabas ng Pilipinas ang kanilang waste, gaya ng mga diapers, plastic containers at iba pa.
Pero sumapit na ang takdang petsa, sinabi ni Customs Commissioner Rey Leonardo Guerrero na base sa pahayag sa kanya ni Finance Secretary Carlos Dominguez III na hindi pa handa ang Canada kaya hindi pa nakukuha at nananatili pang nasa Pilipinas ang mga basura.
“Kung hindi naman binigyan ng ultimatum ni Pangulong Rodrigo Duterte ang Canada at magbanta na kanyang ipatatapon sa mga dagat ng kanilang bansa ang mga basura na ‘yan, hindi pa rin nila kukunin. Tapos sinabi pa ng Pangulo na handa siyang makipag-giyera kapag binalewala ito ng Canada, baka hindi pa sila mangako na sasagutin ang gastos,” pahayag ni Panelo.
“Basta, lahat ng penalties eh itatapon natin sa kanila,” giit pa ni Panelo.
Itinugon naman ni Panelo nang tanungin kung may legal liabiity sa sinumang responsable sa pagpasok at pagtanggap ng basura sa bansa, na depende na ito kung ano ang violations na nagawa.
Gayunman, bagamat hindi natupad ang takdang petsa, tiniyak naman ni Panelo na maialis din sa bansa ang mga ito sa lalong madaling panahon.
157