(NI NOEL ABUEL)
KINALAMPAG ni Senador Win Gatchalian ang Department of Education (DepEd) na kumilos at ituro ang responsableng paggamit ng social media bilang bahagi ng pangangalaga sa kalusugan ng isip o mental health ng mag-aaral.
Nababahala ang senador sa pagtaas ng bilang ng kaso ng depresyon at anxiety sa mga kabataan dahil sa pagkakaugnay ng social media at internet.
Sa panayam, itinuro ni Dr. Cornelio Banaag, Jr. ng Medical City, ang kakulangan sa tulog bilang epekto ng lubos na paggamit ng smartphone.
Paliwanag ng doktor, madaling magkaroon ng anxiety at depresyon ang mga kabataang madalas na napupuyat.
“Babala ng mga eksperto, ang pagbababad sa social media ang isang pangunahing dahilan kung bakit dumarami ang mga kabataang dumaranas ng anxiety at depresyon. Nakababahala ito lalo na’t nababansagan tayong social media capital of the world, kaya naman mahalagang maituro natin ang wastong paggamit ng internet at social media,” ani Gatchalian.
Ayon sa Department of Health, humigit-kumulang 3.3. milyong Filipino ang may depressive disorders.
Habang sa pag-aaral naman ng World Health Organization, sa mahigit 8,000 mag-aaral sa Pilipinas, halos 17 porsiyento ng mga mag-aaral na may edad 13-17 ang nagtangkang magpakamatay.
Matatandaang noong nakaraang Marso, isang mag-aaral sa Grade 10 mula sa Sorsogon City ang sinasabing nagpakamatay sa loob ng kanilang tahanan at isa sa mga itinuturong dahilan ay depresyon.
Ikinabahala ng DepEd ang mga ganitong pangyayari kaya naman isinama na ng mga opisyal nito ang usapin ng mental health sa kanilang pangunahing programa na Oplan Kalusugan.
552