DIGONG HINDI PIPIGILAN KUNG SUSUKO SA ICC

HINDI pipigilan ng gobyerno ng Pilipinas si dating Pangulong Rodrigo “Digong” Roa Duterte kung magdesisyon ito na sumuko sa International Criminal Court (ICC) sakali’t mapatunayan na guilty sa di umano’y crimes against humanity na nagawa sa panahon ng pagpapatupad ng anti-drug campaign sa ilalim ng kanyang administrasyon.

“If the former president desires to surrender himself to the jurisdiction of the ICC, the government will neither object to it nor move to block the fulfillment of his desire,” ang sinabi ni Executive Secretary Lucas Bersamin sa isang kalatas.

Nagpalabas si Bersamin ng isang kalatas matapos na si Duterte, sa pagdalo sa House of Representatives’ quad committee hearing, araw ng Miyerkoles, hinamon ang ICC na simulan ang imbestigasyon sa drug war na inilunsad sa ilalim ng kanyang liderato.

Ani Duterte, handa siyang mabulok sa kulungan kung mapatutunayang guilty.

Sinabi naman ni Bersamin na handa ang gobyerno na makipagtulungan sa ICC, sa oras na piliin ng international tribunal na magpalabas ng “red notice” sa Philippine authorities sa pamamagitan ng International Criminal Police Organization (Interpol).

“But if the ICC refers the process to the Interpol, which may then transmit a red notice to the Philippine authorities, the government will feel obliged to consider the red notice as a request to be honored, in which case the domestic law enforcement agencies shall be bound to accord full cooperation to the Interpol pursuant to established protocols,” aniya pa rin.

Ang “red notice” ay isang request sa mga law enforcement sa buong mundo na hanapin at pansamantalang arestuhin ang isang tao na may nakabinbin na ‘extradition, pagsuko, o kahalintulad na legal na aksyon.

Gayunman, ang red notice ay hindi international arrest warrant at ‘restricted’ sa ‘law enforcement use only.’

Ang isang indibidwal na inilagay sa red notice ay itinuturing na ‘wanted’ ng isang requesting member country o international tribunal.

Kaugnay nito, nilinaw ni Pangulong Ferdinand R. Marcos Jr. na hindi makikipagtulungan ang Pilipinas sa anomang imbestigasyon ng ICC ukol sa illegal drug campaign ng nakalipas na administrasyon maliban na lamang kung gusto ni dating pangulong Duterte.

“Well, as the comment of the Executive Secretary, the former Chief Justice, if ‘yun ang gugustuhin ni PRRD ay hindi naman kami haharang doon sa mga ICC. Hindi lang kami tutulong. Ngunit kung pumapayag siya na makipag-usap siya o magpa-imbestiga siya sa ICC ay nasa kanya ‘yun. Wala na kaming desisyon doon,” ang sinabi ni Pangulong Marcos tinukoy si Duterte.

Ipinahayag ito ng Punong Ehekutibo sa sidelines ng aid distribution sa mga magsasaka at mangingisda sa Cavite at hiningan ng komento para sa sinasabing ICC probe sa madugong drug war ng administrasyong Duterte.

Samantala, sinabi ni Pangulong Marcos na iniimbestigahan na ng Department of the Interior and Local Government (DILG) at Philippine National Police (PNP) anti-drug campaign ng dating administrasyon.

Sa katunayan, hinihintay na lamang ng mga awtoridad ang findings ng imbestigasyon. Marami pa aniyang mga tanong na hindi nasasagot.

Winika pa ng Chief Executive na ang Department of Justice (DOJ) ang magiging responsable sa pagpapatuloy ng reexamination ng kaso, mga pahayag at testimonya. (CHRISTIAN DALE)

74

Related posts

Leave a Comment