(NI BETH JULIAN)
INAAKSIYUNAN na ng mga economic managers ni Pangulong Rodrigo Duterte ang hirit na taas sahod ng mga guro aa bansa.
Ito ang kinumpirma ni Presidential spokesperson Salvador Panelo, bilang tugon sa hinaing na umento ng mga guro.
Nitong Lunes, kasabay ng pagbubukas ng klase sa mga pampublikong paaralan, kinalampag ng mga guro ang Malacanang sa pamamagitan ng pagkilos na tinatawag na ‘Almusalang Guro’ sa Mendiola, sa Maynila na pinangunahan ng mga Alliance of Concerned Teachers (ACT).
Ipinakita ng grupo na pinagsasalu-saluhan nila ang almusal na kanin, dilis at noodles na karaniwan umanong almusal ng mga guro, bilang pagpapakita na sinisingil na nila ang Pangulo sa pangakong disenteng sahod sa mga guro sa public schools.
Bagama’t naibigay na ang ikaapat at huling tranche ng taas-sweldo ay kapos pa rin umano ito.
Tiniyak ni Panelo na matutupad ng Pangulo ang kanyang ipinangako gaya ng mga mga pulis at sundalo na nagsilbing frontliners para tiyakin ang seguridad ng bansa.
“Hindi nakalilimutan ng Pangulo ang kanyang pangako pero dapat din isipin ng lahat na sa loob ng taon na ito ay maraming bagay ang nangyari na kailangang unahin ng Chief Executive,” paliwanag ni Panelo.
Iginiit pa ni Panelo na dapat pakatandaan ng lahat na ang ina ni Duterte ay isang guro kaya’t ang mga guro ay malapit sa puso ng Punong Ehekutibo.
Gayunman, bagama’t tiniyak nitong matutupad ang pangako ay blangko pa si Panelo kung kailan maibibigay ang hiling na umento sa sahod ng mga guro.
Binigyan-diin na lamang ni Panelo na kapit-bisig na tinatrabaho na ng Department of Finance (DoF) at Department of Management ang usaping ito at kinakailangan lamang pag-aralang may mapagkuhanan ng pondo para rito.
146