DU30: WALANG MAIIWAN NA SEKTOR, KOMUNIDAD SA BARMM

duterte100

(NI BONG PAULO)

HINIKAYAT ni Pangulong Rodrigo Duterte ang mga bagong hirang na opisyal ng Bangsamoro Autonomous Region in Muslim Mindanao (BARMM) na isulong ang political empowerment sa lahat ng mga sektor sa rehiyon.

Sa kanyang pagdalo sa symbolic inauguration ng BARMM nitong Biyernes sa Shariff Kabunsuan Cultural Complex, Cotabato City, sinabi ng Pangulo na umaasa siya na ang bagong tatag na Bangsamoro entity ang magiging daan para tuluyang mabigyan ng katarungan ang historical injustices sa mga mamamayang Bangsamoro.

Samantala, inihayag naman ni Duterte ang lubos na kasiyahan sa tagumpay ng BARMM sa pamamagitan ng pagsasabatas ng Bangsamoro Organic Law o BOL.

Itinuturing ito ng Pangulo bilang biyaya ng Diyos sa mga mamamayang Bangsamoro na nararapat aniya na habambuhay na ipagpasalamat.

Pinasalamatan naman ng Pangulo ang mga naging bahagi ng kasaysayang ito ng bansa gaya ng Moro Islamic Liberation Front, Moro National Liberation Front, PNP, AFP, mga mambabatas sa kongreso at senado, at ang lahat ng mga mamamayan ng rehiyon.

Samantala, tiwala naman si MILF chair at BARMM Interim Chief Minister Murad Ebrahim na magandang panimula para sa pagkamit ng full autonomy ang isinagawang makasaysayang inagurasyon ng BARMM.

Tiniyak naman ni Ebrahim na walang maiiwang sektor at komunidad sa mga programa at serbisyo na itataguyod ng BARMM ngayong opisyal na silang magsisimula sa pagtupad ng kanilang tungkulin.

Kasabay naman ng inagurasyon ay ang panunumpa rin ng mga kasapi ng Bangsamoro Transition Authority o BTA. Kasabay nito ay hiniling naman ng mga kasapi ng BTA na ipanalangin sila upang magabayan ni Diyos sa pagtupad ng kanilang tungkulin.

 

147

Related posts

Leave a Comment