(NI NOEL ABUEL)
TULUYAN nang iniatras ng Department of Transportation (DOTr) ang hinihingi nitong emergency power para kay Pangulong Rodrigo Duterte bilang solusyon sa nararanasang matinding trapiko sa Mega Manila.
Ayon kay Senador Grace Poe, sa ginanap na ikatlong pagpupulong ng technical working group (TWG), kinumpirma ni DOTr Undersecretary for Road and Transport Infrastructure Mark Richmund de Leon na hindi na itutuloy ng ahensya ang emergency powers.
“‘Yun ang sinabi nila sa TWG pero puwede naman nilang iatras, pero meron naman kaming pagkakataon na ayusin pa rin ang isang plano para magkaroon ng traffic management,” sabi ni Poe.
“Well, kasi unang-una, bago mo naman ‘yan maibigay, dapat ay tinatanggap ‘yan ng ating Chief Executive ‘di ba, mismo ‘yung Pangulo nagsabi. Basta ako, meron namang mga pagkakataon na puwedeng gawin, ‘yung pangalan hindi lang emergency pero still traffic solution. ‘Yon naman ang aming ginagawa. Kung kailangan nilang i-consolidate ang local government at magkaroon ng traffic czar, puwede naman nating gawin ‘yon at hindi tayo sumusuko at patuloy lang naman natin hinahanapan nang maayos na solusyon,” paliwanag nito.
Sinabi pa ni Poe, na sa kabila ng pag-atras ng DOTr ay itutuloy pa rin ng Senate Committee on Public Services ang panukalang inihain ni Senador Francis Tolentino, na nagtutulak ng emergency power para sa Pangulo.
“Oo, ihi-hear, puwede pa naman kasi magkaroon nga ng, iba lang ang pangalan, pero consolidation pa rin ng mga kailangan nila. Kasi ‘di ba maganda lang pakinggan, emergency, pero hindi naman ito normal na, martial law, ito naman ay traffic assistance, traffic management. So baka ‘yon ang gagawin natin pero lahat ng kailangan nila–right of way, procurement, pati na rin ‘yung traffic plan ng mga local government–ay puwedeng ipagsama-sama pa rin sa bill na ‘yon, iba lang ang pangalan,” ayon pa sa senadora.
Sa Oktubre 2 ay isasagawa ang pangatlong TWG meeting upang bumuo ng transportation map ang pamahalaan para maibsan kung hindi man masolusyunan ang trapiko sa bansa.
Giit ni Poe, kailangan na magpatupad ng 3Ps o plano, pondo at pagsisiyasat ang pamahalaan bago maipasa ang batas para sa pagsasaayos ng trapiko sa bansa.
“Kailangan ng kongkretong plano na may timeline at deadlines. Dapat may listahan ng mga proyekto at ng katumbas na pondo. At dapat bukas sa pagsisiyasat ng publiko. To these three conditions, I would like to add, pakikinig sa mga commuters,” paliwanag ni Poe.
191