EPEKTO NG GIRIAN NG RUSSIA AT UKRAINE SA SEGURIDAD SA ENERHIYA, PINABUBUSISI SA SENADO

ISINUSULONG ni Senador Sherwin Gatchalian ang isang Senate inquiry upang matukoy ang epekto ng patuloy na girian ng Russia at Ukraine sa seguridad ng enerhiya sa bansa at sa presyo ng mga produktong petrolyo.

Sa kanyang Senate Resolution No. 78, iginiit ni Gatchalian na dahil sa pag-akyat ng presyo ng langis at krudo sa pandaigdigang merkado, apektado ang lokal na presyo.

Sa monitoring ni Gatchalian, umabot na sa 22 percent ang itinaas ng presyo ng gasolina mula Enero hanggang Mayo ngayong taon o umakyat na sa P77.71 kada litro noong Mayo mula P63.58 kada litro noong Enero.

Ang presyo naman ng diesel ay tumaas ng 49 percent o nasa P75.92 kada litro noong Mayo mula P50.95 kada litro noong Enero.

Sinabi ni Gatchalian na dapat matutukan ang short, medium, at long-term effects ng giyera ng Russia at Ukraine sa ekonomiya ng Pilipinas, partikular na ang suplay ng langis at presyo nito.

Kailangan anyang bumalangkas ng mga solusyon upang makaagapay ang taumbayan sa patuloy na oil price hikes. (DANG SAMSON-GARCIA)

134

Related posts

Leave a Comment