(NI JEDI PIA REYES)
INABSWELTO ng Sandiganbayan si dating Armed Forces of the Philippines (AFP) Chief of Staff General Diomedio Villanueva sa kasong katiwalian nang siya pa ang nakaupo bilang postmaster ng Philippine Postal Corporation.
Sa desisyon ng Sandiganbayan 1st Division, ipinunto nito na nabigo ang mga taga-usig ng gobyerno na patunayang guilty beyond reasonable doubt sa mga alegasyon si Villanueva.
Idiin si Villanueva sa kasong paglabag sa Section 3 ng Republic Act 2019 o Anti-Graft and Corrupt Practices Act nang magkaroon umano ng kapabayaan kaya’t nabigyan ng P53 milyong refund ang Philpost USA bilang terminal dues para sa mga liham na ipinadadala sa Royal Mail ng United Kingdom,
Sa 13-pahinang desisyon ng anti-graft court, sinabi nito na inaprubahan ni Villanueva ang refund dahil nagtiwala ito sa rekomendasyon ng kapwa akusado na si dating Assistant Postmaster General at General Manager for Finance Antonio Siapno, na ngayon ay pinaghahanap pa.
“Accused Villanueva, upon receipt of the request for refund from PhilPost USA, referred the matter to accused Siapno. Accused Villanueva did so believing that Siapno knew better than him as he was also the dutiful officer in charge of the corporation’s financial concerns,” ayon sa Sandiganbayan.
Lumalabas na pinaniwalaan ni Villanueva ang opinyon ng kanyang mga tauhan dahil sa hindi siya eksperto sa nasabing usapin.
“Accused Villanueva’s course of action shows that he was guided by good faith in performing his duties as Postmaster General, designating and seeking the opinion of his subordinates on matters which he is not particularly an expert of,” dagdag ng desisyon.
Kasunod ng desisyon ng Sandiganbayan, ipinababalik na ang P30,000 bail bond ni Villanueva at ang hold departure order na ipinalabas laban sa dating heneral.
Sina Division chairperson Associate Justice Efren dela Cruz ang sumulat ng desisyon na sinang-ayunan naman nina Associate Justices Geraldine Faith Econg at Edgardo Caldona.
168