(NI BERNARD TAGUINOD)
MALILIBRE na sa parking fees ang mga senior citizen at mga person with disability (PWD) kapag naipasa ang isang panukalang batas na nakahain sa Mababang Kapulungan ng Kongreso.
Sa House Bill (HB) 5038 na inakda ni Manila Rep. John Marvin ‘Yul Servio’ Nieto, nais nito na amyendahan ang Republic Act (RA) 7432 o Expanded Senior Citizens Act of 2010 at RA 7277 o Magna Carta for Persons with Disability upang dagdagan ang prebilehiyong tinatanggap ng mga ito.
Ayon kay Nieto, bagama’t marami nang prebilehiyong tinatanggap ng mga senior citizens at PWD ay hindi pa kasama dito ang parking fees dahil pinagbabayad pa rin sila paggamit ng mga parking facilities.
Sinabi ng mambabatas na dapat nang malibre sa parking fee ang mga senior citizens bilang pagkilala sa kanila naging kontribusyon sa lipunan noong kalakasan ng mga ito.
Kapag naging batas ang nasabing panukala, hindi na magbabayad ng parking fee ang mga senior citizens sa mga malls, hospital, at iba pa pang pasilidad, hindi lamang sa Metro Manila kundi sa buong bansa.
Dahil karaniwang mga masakitin na ang mga senior citizens ay napapadalas ang mga ito sa mga hospital subalit sinisingil pa rin ang mga ito ng parking fees at kapag ipinapasyal ang mga ito sa mga mall ay hindi pa rin ligtas ang mga ito sa nasabing gastos.
Ganito rin ang karanasan ng mga PWDs kaya nais ng mambabatas na ilibre na ang mga ito sa parking fees.
Kailangan lang makapagpakita ang lehitimong senior citizens ID ang mga senior citizens sa pagpasok ng mga ito sa mga pay parking para hindi na sisingilin.
407