Ni BERNARD TAGUINOD
Pinaagapan ng isang mambabatas sa Mababang Kapulungan ng Kongreso sa mga kinauukulang ahensya ng gobyerno lalo na ang Palasyo ng Malacanang, ang galit ng mga Filipino na posibleng sumabog laban sa mga Chinese nationals na nang-aagaw sa kanila ng trabaho.
Ginawa ni Akbayan party-list Rep. Tom Villarin ang nasabing apela lalo na’t 8.9 milyong Filipino ang walang hanapbuhay ngayon dahil sa kawalan ng mapapasukang trabaho.
“Baka magkaroon ng resentment o kaya’y namumuo ang galit ng mga Pinoy laban sa mga Intsik at hahantong sa mga racist actions na ayaw natin (mangyari),” ayon sa mambabatas.
Sa ngayon ay sangkaterba umano ang mga Chinese nationals na nagtatrabaho sa bansa lalo na sa construction industry kaya inaalmahan ito ng mga manggagawang Filipino lalo na ang mga walang trabaho.
Sinabi ni Villarin na hindi dapat ipagwalang bahala ng gobyerno ang problemang ito dahil maaaring maging mitsa ito ng pagkagalit ng mga Filipino sa mga dayuhang ito sa ating bansa.
Naniniwala ang mambabatas na undocumented o walang sapat na papeles ang mga dayuhang ito na nagtatrabaho sa ating bansa dahil patago ang mga ito na nagtatrabaho sa mga construction industry.
Kailangan din umanong paigtingin ng mga ahensya ng gobyerno ang kampanya laban sa mga illegal aliens sa Pilipinas dahil kung ang mga Filipino ang gumawa nito sa kanila ay malamang na nakulong agad ang mga ito.
Hindi rin nagustuhan ng kongresista ang mga pagkakasangkot ng mga Chinese nationals sa mga ilegal activities sa bansa tulad ng illegal online gambling gayung dumating ang mga ito sa Pilipinas bilang turista pero gagawa pala umano ang mga ito ng krimen.
185