PAGBASURA NG BUWIS SA LANGIS ‘DI IAATRAS

(Ni BERNARD TAGUINOD)

Walang plano ang oposisyon sa Kamara na iatras ang panukalang batas na suspendehin ang excise tax sa mga produktong petrolyo dahil ito umano ang dahilan ng pagsargo ng inflation rates sa bansa na naging dahilan kaya umaabot sa 2.3 milyong Filipino ay nalaglag sa below-poverty line.

Ginawa ni Marikina Rep. Miro Quimbo ang pahayag sa kabila ng sunod-sunod na oil price rollback dahil sa pagbaba ng presyo ng krudo sa pandaigdigang pamilihan, kung saan isa pang bawas-presyo ang inaasahang ipapatupad ng mga oil companies sa Martes.

“Kailangan pa rin natin ho siyang itulak dahil nakita po natin… yong ating nai-file, yong House Bill 8171, ang gusto lang nating bawiin dyan ay excise tax talaga sa fuel na matagal na talaga nating sinasabi na ang talagang tatamaan dito ay ang mga mahihirap na nagkakatotoo nga,” ani Quimbo.

Magugunita na tumaas ang excise tax sa mga produktong petrolyo simula nang ipatupad ang Tax Reform Acceleration and Inclusion (TRAIN) Law noong Energo 2018 na siyang itinuturong dahilan ng pagtaas ng inflation rate sa 6.7% noong Setyembre at Oktubre.

Dahil sa buwis sa mga produktong petrolyo lalo na ang diesel na dating libre sa buwis ay tumaas umano ang presyo, hindi lamang ng pagkain kundi ang mga serbisyo publiko tulad ng pasasahe.

Sinuspendi na rin ni Pangulong Rodrigo Duterte ang second tranche ng TRAIN Law sa Enero subalit hindi pa rin ito dahilan para iatras ng oposisyon ang kanilang panukalang batas.

“Ang sinasabi natin, while we welcome that (suspensyon ng train law sa langis), that is not enough. Kasi ang kailangan nating gawin is entirely tanggalin natin ang excise tax sa diesel at kerosone at ibalik natin don sa bago ipinasa ang train. Meaning walang excise tax and diesel at kerosene,” ani Quimbo.

Ito umano kasi ang dahilan kung bakit nadagdagan ng 2.3 million Filipino sa below-poverty line dahil sa pagtaas ng presyo ng mga bilihin mula nang ipatupad ang TRAIN Law.

“’Pag nagtaas ka ng bilihin ng 10 porsiyento lang sa iisang taon, matik na yong nandon sa borderline, 2.3 million sa kanila malalaglag below the poverty line. So, ganyan kabigat ang impact ng inflation sa mahihirap,” ani Quimbo kaya dapat umanong mawala ang excise tax sa mga produktong petrolyo.

173

Related posts

Leave a Comment