(NI BERNARD TAGUINOD)
AYAW umanong ilagay ni House Speaker Gloria Macapagal-Arroyo si Pangulong Rodrigo Duterte sa alanganin sa national budget kaya nag-itemize ang mga ito ng mga proyektong paggagamitan sa mga lumpsum budget.
Sa ambush interview, matapos dumalo sa pagdinig sa water crisis na naranasan ng mga customers ng Manila Water, pinanindigan ni Arroyo na walang mali sa kanilang pag-a-itemize sa lumpsum budget dahil ito ang iniuutos umano ng Korte Suprema.
Ayon sa dating pangulo, sumusunod lamang umano ang mga ito sa nagisnan nilang batas na kailangang i-detalye kung saan gagamitin ang bawat sentimos ng national budget.
Hindi na pumayag si Arroyo na sumagot ng ibang katanungan ukol sa national budget lalo na sa alegasyon ng Senado na hindi pag-detalye ng mga proyektong paggagamitan ng pondo ang ginawa ng mga ito kundi isang uri ng realignment para sa interes ng mga kaalyado ng House leadership.
Gayunpaman, itinalaga ni Arroyo si San Juan Rep. Ronaldo Zamora na makipag-negosasyon sa mga senador ukol sa hindi pagkakaunawaan sa pambansang badyet na hanggang ngayon ay hindi pa napipirmahan ni Duterte.
149