GMA, ROMUALDEZ NAGPLASTIKAN?

TINGIN ng mga miron, nagplastikan lang sina House Speaker Martin Romualdez at Deputy Speaker Gloria Macapagal Arroyo sa kanilang pagtatagpo noong Lunes.

Ito ay dahil tikom ang bibig ni Arroyo nang tanungin kung nagkaayos na sila ni Romualdez.

Sa isang chance interview, tumangging magsalita si Arroyo sa nasabing isyu at maging sa nilagdaan ng kanilang partidong Lakas-CMD sa PDP-Laban na ‘partnership agreement’.

Ang tanging sagot ni Arroyo ay naglabas na ito ng pahayag noong nakaraang linggo kung saan itinatanggi nito na may plano siyang palitan si Romualdez bilang House Speaker matapos siyang sibakin bilang Senior Deputy Speaker.

Noong Lunes ay nakitang nagmano si Romualdez kay Arroyo bago panumpain si Pampanga Rep. Aurelio “Dong” Gonzales bilang Senior Deputy Speaker.

Sinamahan mismo ni Arroyo si Gonzales sa podium nang panumpain ito sa kanyang bagong posisyon sa mababang kapulungan ng Kongreso.

Matapos ito, lumagda ng partnership agreement sina Romualdez at Gonzales bilang mga kinatawan ng kani-kanilang partido.

Gayunman, walang detalyeng inilabas ang dalawang partido sa nilagdaang kasunduan.

Si Arroyo ang chairman emeritus ng Lakas-CMD habang Pangulo si Romualdez.

Sa ngayon ay wala pang ipinapalit ang partido kay Vice President Sara Duterte na nag-resign bilang chairperson ng partido, isang araw pagkatapos tanggalin ang dating pangulo bilang pangalawang lider ng Kamara. (BERNARD TAGUINOD)

295

Related posts

Leave a Comment