GPS GAMIT NG DRUG SYNDICATE

gps

(NI DAVE MEDINA)

ISINASABAY ng mga sindikato  sa pagiging makabago ng teknolohiya ngayon sa buong daigdig ang transaksyon ng ipinagbabawal na gamot.

Ito ang ideyang pinalutang ni Philippine National Police (PNP) Director General  Albayalde kahapon sa panayam .

Sinabi ng PNP Chief na sadyang iniiwan ng mga sindikato sa ilalim ng  karagatan ang mga droga habang may nakakabit na global positioning system (GPS) devices upang damputin ng kanilang mga tauhan makalipas ang ilang araw at saka ibibiyahe sakay ng ibang barko patungo sa ibang destinasyon.

“Ang initial analysis kasi dito is parang hindi na naman para sa atin ‘yan. Parang transient ‘yan. Remember hindi masyadong popular ang cocaine dito, although it’s being used. Because of its price, ‘di masyadong popular, esplika ni Albayalde .

Nauna rito, umaabot sa kabuuang 88 kilo ng prohibited substance ang nakuha ng mga awtoridad ang unang pangyayari ay ang isinumbong noong Biyernes  ng isang mangingisda at ang isa pang kaso ay pagkakabawi sa illegal substance nang anurin sa dalampasigan.

Sa pagsusuri ng regional police office sa norte, lumitaw na hindi metampathamine hydrochloride o shabu ang kontrabando at sa halip ay cocaine.

“Seemingly nag-positive doon sa test as cocaine substance ‘yong mga na-recover nilang blocks or bricks kung tawagin, na nag-total ng around 88 kilograms,” sabi Albayalde.

Maging ang kanyang mga imbestigador, ayon kay Dir. Gen. Albayalde, ay  kumbinsido na ang mga drogang nakukuha sa karagatan ay hindi talaga para  dito sa Pilipinas ang distribusyon kundi para sa ibang bansa.

Palaisipan naman kay Dir. Gen. Albayalde kung bakit lumutang ang iligal na kargamento at nang matuklasan ng mga kinauukulan ay wala nang GPS.

“Iniwan ito sa dagat, may GPS, initially naka-lubog, hindi lang alam kung bakit ito lumutang at nawawala na ‘yung GPS”, sabi ng PNP Chief.

Hind rin naman ikinagulat ni Albayalde ang istratehiyang ito ng pag-iiwan sa karagatan ng iligal na dorga dahil hindi naman aniya bagong taktika  ang pag-iiwan ng ipinagbabawal na gamot sa ilalim ng dagat para hanguin ng malalaking sindikato, laluna na ang insidente ay may pagkakahawig sa mga dati nang kaso na nakabawi ng ipinagbabawal na gamot sa dagat ang mga awtoridad.

“Remember last year meron ding nakuha sa Camarines, parang ganito na may GPS, of the same style the same modus (operandi)…. Itong strategy na ito hindi na bago sa atin, marami na tayong nare-recover na ganyan even in the past, in some parts of Pangasinan, I think way back 2004 merong mga malalaking na-recover na naka-lubog dyan na shabu”, dagdag ng hepe ng PNP.

 

 

122

Related posts

Leave a Comment