COCO LEVY BILL ‘TINOKHANG’ NI DUTERTE

coco16

(NI JUN V. TRINIDAD)

LUCENA CITY – Dismayado ang mga magsasaka ng niyog kay Pangulong Duterte sa ginawa niyang “veto” o pagbasura sa panukalang batas na magtatakda sa disposisyon ng P100 billion coconut levy fund.

“Tokhang by exclusion ang ginawa ni Pangulong Duterte,” ang patutsadang pitik ni Jansept Geronimo, spokesperson ng Kilusan Para sa Tunay na Repormang Agraryo at Katarungang Panlipunan (Katarungan), sa panayam araw ng Linggo.

Dagdag pa niya: “Ayaw ni Duterte na mamamayani ang mga kinatawan ng magsasaka ng niyog sa pagdedesisyon sa kung papaano gagamitin ang coco levy fund”.

Sinumbatan ng Katarungan si Duterte sa pagtalikod sa kanyang pangako noong nangagampanya siya sa pagka-pangulo noong 2016 na ibabalik niya ang multi-bilyong pisong coconut levy fund sa unang 100 araw ng kanyang panunungkulan kung siya ang mananalo sa eleksyon.

“Nakalimutan na niya ang kanyang pangako,” ang dismayadong pahayag ni Geronimo.

Binigyang-diin ni Geronimo na ang coconut levy fund ay “mula sa pawis, dugo at paghihirap” ng mga magsasaka ng niyog. “Hindi ito pera ng gubyerno”.

Sa unang panayam kay Maribel Luzara, pangulo ng Kilusang Magbububukid sa Bondoc Peninsula (KMBP), sinabi niya na lalong nababaon sa hirap ang mga magniniyog sa patuloy na pagbulusok ng presyo ng kopra.

“Tanging ang pagbabalik ng coco levy fund ang inaasahan namin na magpapabago ng aming kawawang kalagayan,” ani Luzara.

Ang lalawigan ng Quezon ay isa sa mga lugar sa bansa na ang niyog ang pangunahing produkto. Ang mga lokal na magsasaka ang siyang itinuturing na may pinamalaking kontribusyon sa coconut levy fund na puwersahang kinolekta ng gubyerno noong panahon ng diktadurang Marcos.

Nitong Biyernes ay ipinahayag ni Executive Secretary Salvador Medialdea na ibinasura ni Duterte ang panukalang batas na magtatakda sa direksyon ng coconut levy fund.

Walang ipinaliwanag na dahilan kung anong dahilan sa pagkaka-veto ng Pangulong Duterte.

Dalawang beses na dumaan sa bicameral conference committee ang panukalang batas dahil nagpahayag ng pagtutol ang Pangulo sa komposisyon ng Philippine Coconut Authority (PCA) board na siyang mangangasiwa sa disposisyon ng pondo.

Mas gusto ni Duterte na mas marami ang kinatawan ng gubyerno kaysa sa mga magsasaka na siyang bubuo ng 15 kataong PCA board na magdedesisyon sa paggamit ng pondo.

 

84

Related posts

Leave a Comment