Gutom at sakit sa ob-lo PRESO TIPID SA PAGKAIN BITIN PA SA GAMOT

HINDI lang gutom ang tiyak na aabutin ng mga bilanggo kundi peligro sa kanilang kalusugan sa oras ng pagkakasakit.

Ito ay dahil P23 lang ang nakalaang budget para sa pagkain ng bawat persons deprived of liberty (PDLs) sa ilalim ng 2023 national budget.

Maaari ring lumala ang kanilang sakit dahil P15 lamang kada araw ang budget ng mga ito sa gamot, ayon kay ACT party-list Rep. France Castro.

Sa pagdinig ng House appropriation committee sa budget ng Department of Interior and Local Government (DILG), napagdiskitahan ni Castro ang inilaan na budget para sa pagkain ng PDLs.

Lumalabas na P70 lamang ang budget ng bawat PDL sa kanilang pagkain kada araw o P23.33 bawat kain, kasama pa umano rito ang gamit sa pagluluto tulad ng Liquified Petroleum Gas (LPG).

“Sa mahal ng presyo ng mga bilihin sa pagkain ngayon, anong sustansya pa matitira sa pagkain ng ating PDLs na karamihan ay may dinaramdam din na mga sakit tulad ng heart, blood pressure at skin conditions,” ani Castro.

Hiniling ng mambabatas sa gobyerno na dagdagan ang budget sa pagkain ng PDLs dahil kung magugutom ang mga ito ay lalong lalala ang kanilang kalagayan kapag nagkasakit.

Iginiit ng mambabatas na bagama’t nagkasala sa batas dapat pa ring maging makatao ang gobyerno sa mga ito.

“Masuwerte lang yung mga PDL na mayaman dahil may supply sila ng pagkain mula sa kanilang pamilya, papaano naman yung mga mahihirap na karamihan sa PDLs?,” tanong pa ng mambabatas. (BERNARD TAGUINOD)

149

Related posts

Leave a Comment