(NI BERNARD TAGUINOD)
MAY temang ‘hopeful’ at masaya ang nais ng batikang movie director na si Joyce Bernal na kalalabasan ng ikaapat na State of the Nation Address (SONA) ni Pangulong Rodrigo Duterte sa Hulyo 22.
Kahapon, Lunes, ay ininspeksyon na si Bernal ang loob ng session hall sa Mababang Kapulungan ng Kongreso kung saan idaros ang SONA ni Duterte para pag-aralan kung paano ididirehe ang pag-uulat sa bayan ng Pangulo.
“I want it hopeful and good. ‘Yong parang masaya na, kasi last year, anong nangyari? So sana parang i-set mo ‘yong mood ng lahat ng tao dito na, ‘Uy, ‘wag na kayong mag-away. Mga bashers!,” ani Bernal sa ambush interview ng mga mamamahayag.
Magugunita na noong nakaraang taon, napuno ng kontrobersya ang ikatlong SONA ni Duterte dahil sa pagpapatalsik kay dating House Speaker Pantaleon Alvarez kaya nadelay ang pag-uulat sa bayan ng Pangulo.
“Sana matuto na rin tayong lahat mga Pilipino. Big learning from last year, that’s why andito ako. At para napaka-hopeful dahil na-shock ako sa nakita ko last year,” ayon pa kay Bernal.
Ito ang ikalawang pagkakataon na ididirehe ni Bernal ang SONA ni Duterte na ang una ay noong 2018 at nilinaw nito na wala siyang bayad.
“Actually gusto ko po. I want to do something for him. Lahat pro bono. Napakaliit ng gagawin ko na tulong sa Presidente. Siya ata ‘yong pinakapagod sa ating lahat dito. Konting-konti lang ‘tong tulong na ito,” ani Bernal.
“Parang dapat lahat tayo pro bono for this, for the Philippines,” dagdag pa ng batikang movie director.
130