TULUYAN nang pinagtibay sa mababang kapulungan ng Kongreso ang House Bill (HB) 6608 na nagtatatag ng Maharlika Investment Fund (MIF) kung saan 280 congressmen ang tumayong authors.
Habang isinusulat ito ay naghahanda na ang liderato ng Kamara para sa ikatlo at huling pagdinig matapos itong aprubahan sa ikalawang pagbasa dahil sinertipikahan ito ni Pangulong Ferdinand “Bongbong” Marcos Jr., bilang urgent bill.
“Pursuant to the provisions of Article VI, Section 26 (2) of the 1987 Constitution, I hereby certify to the necessity of immediate enactment of House Bill No. 6608,” bahagi ng communication letter ni Marcos sa Kongreso.
Dahil dito, hindi kailangang sundin ang House rules na dapat maghintay ng 3 session days bago aprubahan sa ikatlo at pinal na pagbasa ang isang panukalang batas na pinagtibay sa ikalawang pagbasa.
Sa pinakahuling report ng tanggapan ni House Speaker Martin Romualdez, mula sa 251 na naitala noong Miyerkoles ng gabi ay umabot sa 280 ang nag-endorso sa panukala, Huwebes ng hapon.
Sa orihinal na bersyon ng panukala o ang HB 6398 na unang tinawag na Maharlika Wealth Fund (MWF), 6 na mambabatas lamang ang nagsulong na kinabibilangan nina Romualdez, Majority leader Manuel Jose Dalipe, Senior Deputy Majority Leader Sandro Marcos, Marikina Rep. Estella Luz Quimbo at Tingog party-list Reps. Yedda Marie Romualdez at Jude Acidre.
Sa kabila ng mga pagtutol sa nasabing panukala ay mistulang nagkaisa ang mayorya sa Kamara na iendorso ito kaya bago isinalang sa ikalawang pagbasa ay umaabot na sa 275 ang authors o tumayong may-akda.
Naging kontrobersyal ang panukala dahil kasama sa orihinal na bersyon ang Government Service Insurance System (GSIS) at Social Security System (SSS) sa mga government financial institution (GFIs) na pagkukunan ng pondo.
Dahil sa pagkontra ng GSIS at SSS members ay nabuo ang HB 6608 kung saan inalis ang mga ito bilang source ng pondo at matapos nito ay dumagsa na ang co-authors.
Nauna nang inihayag ni Department of Budget and Management (DBM) Secretary Amenah Pangandaman na suportado ng multilateral lenders at US-based think tank ang panukalang lumikha ng Maharlika Wealth Fund (MWF).
Inalala ni Pangandaman kung paano nagkaroon ng ideya si Bangko Sentral ng Pilipinas (BSP) Governor Benjamin Diokno, ngayon ay Finance secretary ukol sa paglikha ng sovereign wealth fund ng bansa.
“During the pandemic, it was also the same time when INA [Indonesia Investment Authority], the sovereign wealth fund of Indonesia, was established. It was all over the news during that time,” ayon sa Kalihim.
“And then Secretary Ben Diokno, BSP governor then, asked us to review and check if the BSP can establish its own sovereign wealth fund,” ani Pangandaman.
Aniya, isang technical working group (TWG) ang binuo at nakipagpulong sa Asian Development Bank (ADB) at International Monetary Fund (IMF).
“Both development partners said it’s okay but not from the central bank because it’s not part of its mandate. It’s possible, but you [the government] need to revise the mandate and the charter of the BSP,” anito.
Para naman kay ADB Philippines Country Director Kelly Bird, ang pagtatatag ng sovereign wealth fund ay makatutulong na mapalalim ang domestic capital market na maaaring magpataas sa capital resources para sa long-term investments sa imprastraktura.
Sinabi pa ni Pangandaman na nakipagpulong noong nakaraang linggo si Diokno sa World Bank para pag-usapan ang planong Maharlika Wealth Fund.
Ang paglikha sa Maharlika Wealth Fund ay nakapaloob sa House Bill 6398 na inihain nina House Speaker Ferdinand Martin Romualdez at Ilocos Norte 1st District Representative Ferdinand Alexander “Sandro” Marcos III. (BERNARD TAGUINOD/CHRISTIAN DALE)
182