(NI BERNARD TAGUINOD)
NUMERO lamang ang inflation rate na bumababa at hindi ang presyo ng mga bilihin sa palengke.
Ganito minaliit ni Gabriela party-list Rep. Emmi de Jesus ang naitalang 3% inflation rate noong Abril na mas mababa sa naitalang 3.3 % noong Marso at 3.8% noong Pebrero.
“Iba ang sitwasyon sa ground. Hindi naman bumababa ang presyo eh. Yung kangkong na ibinebenta ng P10 kada tali, hindi naman bumalik sa P5 ang presyo,” ani De Jesus.
Tanging ang mga mahihirap aniya ang nakararamdam sa tunay na sitwasyon sa “ground” kaya para malaman umano ng mga economic managers ang tunay na sitwasyon ay dapat mamalengke ang mga ito.
Isa rin aniya sa patunay na hindi bumababa ang presyo ng pagkain ng mga mahihirap ay ang pagtaas ng presyo ng sardinas at noodles kaya hindi makatotohanan aniya ang naitalang inflation rate.
Maliban sa hindi bumababa ang presyo ng mga bilihin lalo na ang pagkain ay wala ring pambili ang mga tao kaya marami umanong paninda ang nabubulok lamang.
“Nakakapanghinayang yung mga paninda na nabubulok lang dahil walang capacity ang mga tao, wala silang pambili dahil hindi naman tumataas ang kanilang sahod at tumataas pa ang bayarin sa public service,” ani De Jesus.
Walang ibang sinisisi ang mambabatas sa hindi pagbaba ng presyo ng mga bilihin lalo na ang pagkain kundi ang Tax Reform Acceleration and Inclusion (TRAIN) law kaya dapat umanong bawiin ito.
Naniniwala ang mambabatas na kapag ginawa ito ng gobyerno ay siguradong bababa ang presyo ng mga bilihin at mararamdam ito ng mga mahihirap.
633