(NI BERNARD TAGUINOD)
MAGIGING special working holiday ang Hulyo 12 kada taon kapag nakalusot ang panukalang inihain ni Magdalo party-list Rep. Manuel Cabochan III dahil ito ang petsa na tinalo ng Pilipinas sa International Court ang China sa usapin sa West Philippine Sea.
Sa ilalim ng House Bill 1947 nais ni Cabochan na ideklarang West Philippine Sea Victory Day ang Hulyo 12, na nakapasa sa committee level noong 17th Congress subalit hindi naisalang sa plenaryo.
Magugunita na noong Hulyo 12, 2016 ay nanalo ang Pilipinas sa kasong isinampa nito sa Permanent Court of Arbitration(PCA) laban sa China na umaangkin sa buong South China Sea kasama na ang teritoryo ng Pilipinas sa West Philippine Sea.
“This is a well-intentioned measure highlighting one of the notable victories of our country. We need to preserve the significance of the PCA ruling and showed to the world that the Philippines, despite being seen as a small nation, can stand up for its rights as an independent and sovereign state,” ani Cabochan sa kanyang panukala.
Kapag naging batas, isasama ng Department Department of Education (DepEd) at Commission on Higher Education (CHED) sa kanilang curriculum ang isyu sa West Philippine Sea.
Layon nito na itanim sa isip ng mga kabataang Filipino na ang nasabing teritoryo ay pag-aari ng Pilipinas at kayang manalo ang isang maliit ng bansa sa isang malaking nasyon na hindi kailangan ng giyera.
149