(NI HARVEY PEREZ)
KUMPIYANSA ang Commission on Elections (Comelec) na makahahahnap sila ng makakapalit ng National Citizens’ Movement for Free Elections (Namfrel), bago ang midterm election sa Mayo 13.
Sinabi ni Comelec spokesperson James Jimenez na maraming gustong sumali sa proseso kaya kumpiyansa ang poll body na makahahanap agad ng makatutuwang sa pagdaraos ng isang malinis, tapat at may kredibilidad na halalan.
Ayon pa kay Jimenez, marami pa ring dati nang naging partners noong 2016 at nandiyan pa rin na handang tumulong sa poll body.
Kaugnay nito, tiniyak naman ni Jimenez, na handa pa rin silang makipag-usap sa Namfrel ngunit hindi sila makapagbibigay ng garantiya na maaari pa rin itong magsilbi bilang kanilang citizen’s arm sa halalan.
Magugunita na ipinaliwanag ni Namfrel national chair Gus Lagman na kinakailangan nila ng access sa digital version ng election data, at hindi lamang mga printed copies upang ma-beripika nila ang resulta ng halalan.
Sinabi naman ng Namfrel na kung hindi sila bibigyan ng Comelec ng election data ay hindi rin naman nila mabe-beripika kung tama ang datos sa random manual audit kaya’t hindi na sila pumayag na magpa-accredit pa.
Binigyan-diin pa ni Lagman na nagpulong na ang mga miyembro ng Namfrel para talakayin ang mga posibleng gagampanan nilang papel sa national at local elections.
Magugunita na nagpahayag nang pagkagulat si Comelec Commissioner Luie Guia sa desisyon ng Namfrel.
Sinabi ni Guia na hindi nila mapagbigyan ang hiling ng Namfrel na access sa iba’t ibang logs na nakakabit sa server, dahil maging ang Comelec ay walang access sa mga ito.
131