Kinilala pa naman bilang top performing PNP unit PRO MIMAROPA TIKLOP SA HI-TECH JUETENG SA MINDORO?

(RONALD BULA)

SA kabila ng babala na kakasuhan at tatanggalin sa serbisyo ang mga pulis na mapatutunayang sangkot o protektor ng ilegal na sugal ay mayroon pa ring ilang pasaway na sumasalungat at hindi sumusunod sa utos ni PNP chief Rodolfo Azurin Jr.

Alinsunod sa naturang direktiba, nag-aabang na ang mabigat na parusa sa mga police official na nagpapabaya sa kanilang trabaho sa paglaban sa ilegal na sugal sa kanilang areas of jurisdiction.

Pero base sa classified info na natanggap ng SAKSI Ngayon, hindi umubra ang babala ni Azurin maging ang ‘marching order’ ni DILG Sec. Benhur Abalos na nagbabawal sa mga opisyal ng gobyerno, LGUs at kapulisan na tumanggap ng pabor (financial favor/payola) mula sa mga ilegalista partikular na sa mga gambling lord.

Ang masaklap pa rito, lantaran at talamak pa rin ang ilegal na sugal ngayon. Lalo na sa Oriental Mindoro na hi-tech ang operasyon ng jueteng thru Gcash ang tayaan at panalo na ang resulta ay nanggagaling pa sa probinsya ng Quezon na pinadadala sa pamamagitan ng FB messenger. Kahit nga binabaha ang ilang bayan sa nasabing lalawigan, tuloy lang ang operasyon ng ilegal na sugal.

Ayon sa source na ayaw magpabanggit ng kanyang pangalan, ang financier ng jueteng ay may direktang koneksiyon sa Kapitolyo, Police Regional Office (PRO-4B) at sa Camp Crame mismo.

Bunga nito, sinabi ng source na dapat paimbestigahan ni PNP Chief Azurin, ang malawak at hindi mapatigil na operasyon ng illegal number games na kinabibilangan ng mga bayan ng Puerto Galera, Baco, San Teodoro, Naujan, Victoria, Socorro Pola, Pinamalayan, Bansud, Bongabong, Mansalay, Gloria, Roxas, Bulalacao at Calapan City na sinasabing kakambal ng jueteng ang ilegal na droga na malala ngayon sa nasabing probinsiya.

Isang police general diumano na may inisyal na “TF” at nasa ‘national headquarters’ ang sinasabing padrino kaya untouchable ang hi-tech jueteng sa lalawigan ni Governor Humerlito “Bonz’ Dolor.

Hi-tech na ang tayaan ng jueteng dahil lahat ng kubrador at mananaya ay may sariling apps sa kanilang cellphone at doon ipinadadala ang kanilang taya.

Kahit sa mga patama ay ‘paper less transaction’ na rin dahil ipinapadaan sa Gcash at PayMaya ang bayaran.

Lahat ng kabo, kubrador at table manager ay naka-unli load para nga naman sa oras ng tayaan, bayaran at ingreso ay hindi sila mauubusan ng pondo.

Totoong mahirap itong hulihin ng mga awtoridad pero wala naman sigurong kokontra sa matagal nang kasabihan na: ‘Kapag gusto may paraan at kapag ayaw ay may dahilan.’

Kung tutuusin, challenging ang mga impormasyong ganito para sa hanay ng PNP na pinamumunuan ni General Azurin dahil kahit anong lalim ng sindikato – hi-tech man sila o ano pang kakaibang diskarte at pamamaraan – tungkulin, trabaho at obligasyon ng mga awtoridad na sila’y sawatahin.

“Bukod kina PNP Chief Azurin at DILG Sec. Abalos, tinatawagan din natin ng pansin si MIMAROPA Regional Director Police Brig. Gen. Sidney Sultan Hernia na kamakailan ay kinilala ni PNP Chief Azurin ang rehiyon bilang isa sa mga top-performing PNP units sa buong bansa.

Pero paano nga naging top-performing PNP unit ang PRO MIMAROPA gayong matagal nang kinokondena ng mamamayang Mindoreño ang presensiya ng lantarang pangungubra ng taya ng mga kubrador ng jueteng subalit walang naging aksyon dito ang nabanggit na PNP opisyal na hindi kinonsidera ang kapakanan ng mamamayan na lulong na sa sugal bagkus itinutulak pa sa bisyong pagsusugal,” tanong ng isang lider ng barangay sa lalawigan.

Napakatahimik at progresibong pamayanan ang Mindoro kung kaya’t hindi katanggap-tanggap sa sektor ng simbahang Katoliko ang tila pagkupkop ng nabanggit na opisyal sa operasyon ng may dayang sugal na Hi-tech jueteng.

Dismayado rin ang mamamayang Mindoreño sa naging pahayag noon ni PNP Chief, Azurin Jr na: “I am giving you a week. If you will not stop illegal gambling, I will relieve you.”- Sinasabing ang kautusan ay patungkol sa lahat ng regional at provincial directors sa buong kapuluan. Kasabay ang pagbibigay-diin ni Azurin: No take policy, na ang ibig sabihin, walang sinoman ang dapat tumanggap ng suhol sa mga gambling lord kundi ay kakasuhan at tatanggalin sila sa serbisyo.

Matatandaang minsan nang pinadalhan ng liham ni Abalos ang ilang mayor sa Oriental Mindoro maging ang Police Provincial Office upang ipaliwanag ang talamak na operasyon ng hi-tech na ilegal na sugal sa kani-kanilang hurisdiksyon subalit hanggang ngayon ay nananatiling tikom ang kanilang mga bibig sa hindi malamang kadahilanan.

Suhestyon ng ilang Mindoreño, kung nagawa ni Abalos pagbitiwin ang lahat ng Colonels at Generals bilang bahagi ng paglilinis sa illegal drug trade, bakit hindi niya rin gawin ito laban naman sa mga sangkot o protektor ng Hi-tech jueteng sa Oriental Mindoro.

279

Related posts

Leave a Comment