(NI BERNARD TAGUINOD)
HINDI manonood lang ang Kongreso sa bangayan ngayon nina Presidential Adviser on Economic Affairs and Information Technology Communications Ramon “RJ” Jacinto at outgoing Department of Information and Communication Technology (DICT) acting Secretary Eliseo Rio Jr., hinggil sa Common Tower Policy sa Telecommmunication industry na itinutulak ng una dahil mapipilitan ang mga itong alamin ang motibo sa polisyang ito.
Ito ang tiniyak ng miyembro ng opposition sa Kamara na si Akbayan party-list Rep. Tom Villarin dahil hindi magkasundo ang DICT at tanggapan ni Jacinto hinggil sa Common Tower Policy sa telco industry sa bansa.
“Kung ang DICT hindi naman magigive-in sa gusto ni Jacinto, of course Congress can exercise its oversigth (power), bakit nga tinutulak nga ito ni Jacinto as economic adviser,” ani Villarin.
Sa panayam ng SAKSI Ngayon kay Villarin, sinabi nito kung mayroong dapat magtayo ng mga cellsite towers ay ang mga Telcos dahil kasama ito sa kanilang obligasyon at responsibidad sa prangkisa ng ibinigay ng Kongreso (Kamara at Senado) sa kanila.
“Kasama yan (pagtatayo ng mga telcos ng tower). in fact part yan nung infrastructure layout na kailangan ng mga telcos. Essential yan dun sa mga telcos na they have their own towers,”ani Villarin.
Ginawa ng mambabatas ang pahayag dahil nais ni Jacinto na magkaroon ng dalawang Tower Companies na magtatayo ng mga cellsite towers kung saan makikikabit dito ang mga telcos.
Sa ngayon tatlo na ang nabigyan ng prangkisa sa Telco industry na kinabibilangan ng Globe at Smart habang ang third player na Mindanao Islamic Telephone Corp (Mislatel) ay magsisimula pa lamang sa kanilang operasyon.
Sa gitna ng pagkakaroon ng third party na babasag umano sa doupoly sa telco industry, nais ni Jacinto na magkaroon ng common tower sa mga players na itatayo ng mga indepedent company na pinapalagan ng iba’t ibang grupo.
Hindi lingid kay Villarin na si Jacinto ang may-ari ng Jacinto Steel kaya interesado ang mambabatas kung na alamin kung bakit desidido ang opisyal na itulak ang Common Tower policy lalo na’t ang gagamitin sa imprastrakturang ito ay 100% steel o bakal.
“Mahina na yun Jacinto steel. Most of the steel ay imported na eh so wala tayong major na local or domestic player sa steel,” ani Villarin subalit hindi nito isinasantabi ang posibilidad na ang kumpanya ni Jactinto ang papapel para sa importasyon ng mga bakal.
“Posible baka may mga arrangement for importation of steel for the use of telcos no,” ani Villarin kaya isa ito sa aalamin umano ng oversight committee ng Kamara kapag nagkataon.
Gayunpaman, winarningan ni Villarin si Jacinto na hindi puwedeng makisawsaw ang kanyang kumpanya sa mga itatayong tower lalo na kung hindi ito nag-divest sa Jacinto Steel dahil magkakaroon ito ng conflict of interest.
“Kung hindi pa siya naka-divest, talagang yan it’s a case of conflict of interes for he would be liable,” ani Villarin sakaling magkaroon ng interes ang kumpanya ni Jacinto sa mga itatayong tower.
144