(NI BERNARD TAGUINOD/PHOTO BY RAFAEL TABOY)
LALONG magmamahal ang presyo ng diesel kapag hindi iniatras ng Department of Agriculture (DA) ang kanilang planong ipataas sa mga oil companies ang CME o Coconut Methyl Ester blend.
Ito ang babala ni House committee on energy chairman Rep. Lord Allan Velasco kung saan tinawag nitong ‘anit-consumer” ang planong ito ng DA lalo na’t patuloy ang pagtaas ng presyo ng langis.
“As it is, consumers are already faced with the burden of high fuel prices. Rising the biofuels blend will only aggravate this,” ani Velasco dahil kung itutuloy ng DA ang planong ito ay tataas ng P2.25 ang presyo ng kada litro ng diesel.
Sa ngayon ay 2% pa lamang ang CME o biofuels na ihinahalo sa diesel at nais umano ng DA na itaas ito sa 5% kaya dagdag na pasanin umano ito sa lahat ng mga consumers kapag nagkataon.
Ang halaga aniya ng 2% na CME sa diesel na kabilang sa mga binabayaran ng mga conumers ay P1.50 kada litro pero lolobo pa ito ng P2.25 kada litro kapag ginawa na itong 5%.
“We must keep in mind that a huge chunk of dieel consumers is from the transport sector and any increase in diesel prices will lead to higher transportation,” ayon pa sa Marinduque Congressman.
Malaki din umano ang epekto nito sa food security ng bansa lalo na’t diesel ang ginagamit ng agricultural sector kaya hindi umano dapat maisakripisyo ang bagay na ito.
Maliban dito, iginiit ng mambabatas na gamitin na lamang ang mga agricultural lands sa bansa para sa produksyon ng pagkain sa halip na taniman ito ng mga panamin para lang sa biofuels.
115