LOLO, LOLA ALAGAAN SA ELECTION DAY — SOLON

seniors12

(NI BERNARD TAGUINOD)

UMAPELA ang isang senior citizen congressman sa mga millennials at mga Comelec-accredited citizen’s group na ibigay ang nararapat na alaga sa mga matatanda sa araw mismo ng eleksiyon sa Mayo.

Ginawa ni House special committee on senior citizen vice chairman Francisco Datol Jr., ang apela lalo na’t mainit ang panahon at posibleng lalong iinit sa mga presinto dahil sa dami ng mga taong boboto.

“Please, alalayan ninyo ang seniors sa May 13. Bigyan ninyo sila ng bottled water, paypayan, tulungan sa pag-unawa sa balota para makaboto sila nang maayos. Kayo ang malalakas pa ang mga katawan, malinaw ang mga mata at pandinig, kaya asikasuhin ninyo ang seniors,” ani Datol.

Kailangan na kailangan aniya ng mga matatanda ang tulong, hindi lamang ng kanilang mga kaanak kundi ng ibang tao sa araw ng halalan dahil marami sa mga ito ang mayroon nang karamdaman.

Mahalagang maalalayan aniya ang mga ito dahil sa kabila ng kanilang edad ay sila ang pinakamasipag sa pagboto dahil sa pagmamahal ng mga ito sa bayan kaya ginagampanan pa rin ng mga ito ang kanilang tungkuling pumili ng mga karapat-dapat na mamuno sa bansa.

Bukod sa loob ng mga presinto, hiniling din ng mambabatas sa mga bus companies, mga barko at maging sa mga airline companies na bigyan ng maayos na pag-aalaga sa mga matatanda.

“Iyong mga lolo at lola na nasa Maynila at iba pang lungsod na uuwi sa hometown para sa elections, asikasuhin po sana, lalo na iyong mga sasakay ng bus,” ayon pa kay Datol.

“Pakilinis po at lagyan ng tubig at sabon ang restrooms ng bus terminals para maginhawa naman magamit ng mga matatanda ang mga palikuran,” dagdag pa nito.

 

170

Related posts

Leave a Comment