LTFRB EXEC DIR JARDIN SINUSPINDE SA P4.8-M ‘SUHOL’

jardin123

(NI KEVIN COLLANTES)

SINUSPINDE ni Transportation (DOTr) Secretary Arthur Tugade sa posisyon si Land Transportation Franchising and Regulatory Board (LTFRB) Executive Director Samuel Jardin kasunod ng alegasyon ng korapsiyon laban sa kanya.

Sa isang pahayag, sinabi ng DOTr na ipinag-utos ni Tugade ang pagpapataw ng 90-day preventive suspensiyon laban kay Jardin nitong Miyerkoles, Abril 3, kasabay ng pagsasampa ng pormal na reklamo laban sa naturang opisyal.

Nag-ugat ang suspensiyon at paghahain ng reklamo laban kay Jardin, sa alegasyong nag-solicit umano siya ng P4.8 milyong halaga ng pera kapalit ng pagpapasilidad at pag-apruba sa aplikasyon para sa Certificate of Public Convenience (CPC).

Nabatid na bilang bahagi ng internal investigation, inatasan na ng DOTr si Jardin na magsumite ng ‘verified answer’, kabilang ang mga documentary evidence, sa loob ng tatlong araw, matapos matanggal niya ang kopya ng pormal na reklamo.

Kaugnay nito, muli rin namang iginiit ni Tugade na hindi nila papayagan at kukunsintihin ang anumang korapsiyon ng kanilang mga opisyal at tauhan, sa  mga tanggapan at attached agencies ng DOTr.

Muli rin namang binalaan ng kalihim ang mga opisyal at tauhan ng DOTr na hindi siya magdadalawang-isip na patawan ang mga ito ng kaukulang disciplinary action kung masasangkot sa anumang uri ng katiwalian, bilang pagsuporta sa kampanya ni Pangulong Rodrigo Duterte laban sa graft and corruption.

Nauna rito, inianunsiyo ni Tugade sa flag raising ceremony sa kanilang central office sa Clark, Pampanga noong Martes, na dalawang mataas na opisyal, na hindi nito pinangalanan, ang papatawan niya ng preventive suspension dahil sa alegasyon ng korapsiyon.

 

 

181

Related posts

Leave a Comment