(NI TERESA TAVARES)
KAKASUHAN ng Department of Justice (DoJ) ng cyber libel ang CEO ng Rappler na si Maria Ressa at isang dating reporter kaugnay sa istoryang lumabas sa nasabing news site noong 2012.
Kinumpirma ni Justice Secretary Menardo Guevarra na inirekomenda ng mga investigating prosecutor ang pagsasampa ng cyber libel case laban sa Rappler, Inc., kay Ressa, at Reynaldo Santos, Jr.
Nag-ugat ang kaso sa reklamo ng negosyanteng si Wilfredo Keng sa National Bureau of Investigation (NBI) na iniulat ng Rappler na sangkot sa mga kriminal na aktibidad.
Sa ulat ng Rappler noong May 2012 at February 2014, isinulat ni Santos ang diano’y “intelligence report” na si Keng ay under surveillance dahil sa pagkakasangkot sa “human trafficking at drug smuggling.”
Sa walong-pahinang resolusyon, inihayag ng DOJ na malinaw na paninirang-puri ang artikulo ng Rappler.
Nilinaw ng DoJ na kahit hindi sakop ng Anti Cyber Crime Law of 2012 ang unang lumabas na istorya, dapat managot ang Rappler sa ikalawang istorya dahil sa ‘multiple publication rule’.
Dapat anila managot si Ressa bilang editor ng online news site.
Magugunita na nahaharap din ang Rappler sa kasong tax evasion na nakasampa sa Court of Tax Appeals.
Nilinaw naman ni Guevarra na maari pang iapela ni Ressa ang rekemdasyon ng mga investigating prosecutor.
182