NILINAW kahapon ng Dangerous Drugs Board (DDB) na ang paggamit sa marijuana ay nananatiling ilegal sa bansa sa kabila ng “compassionate” o pagpayag naman sa mga pasyenteng may malalalang sakit na gamitin ito bilang pangunahing gamot.
“Compassionate use, ‘yun ‘yung pinapayagan natin na gumamit ng certain prohibited drugs, ‘yung mga pasyente na, halimbawa, may terminal cancer,” pahayag ni DDB Chairman Catalino Cuy.
Sinabi ni Cuy na ang cannabidiol tablet Epidiolex (CBD) ay maaari nang magamit ng isang pasyente sa bansa matapos nilang aprubahan ang “reclassification” nito.
“Itong board regulation na ito, nag-reclassify lang tayo. Hindi natin pinapayagan pa rin ang medical marijuana. Nag-reclassify lang tayo ng Epidiolex,” ani pa ni Cuy.
Ayon pa kay Cuy, ang naturang gamot ay may taglay na 0.1 tetrahydrocannabinol (TH), na siyang patuloy na kanilang inihihilera sa regulasyon ng United States Food and Drug Administration (FDA).
“Ito ‘yung papayagan nating makapasok dito,” saad pa ng opisyal.
Ang FDA sa bansa ay maaaring magbigay ng Compassionate Special Permit (CSP) sa isang pasyente na nakararanas ng may malalang karamdaman gaya ng Aids o cancer para magkaroon naman ng legal access sa isang unregistered o ipinagbabawal na droga gaya ng marijuana.
“Meron lang specialist physician na puwedeng mag-issue ng tinatawag natin na yellow prescription na naka-register sa ating DDB at PDEA (Philippine Drug Enforcement Agency),” dagdag pa ni Cuy. JG TUMBADO
165