(NI KEVIN COLLANTES)
HANDANG-HANDA na ang pamunuan ng Manila Electric Company (Meralco) para sa pagdaraos ng midterm elections sa Lunes, Mayo 13, ayon kay Joe Zaldarriaga, tagapagsalita ng Meralco.
Ayon kay Zaldarriaga, lahat ng isyu hinggil sa suplay ng kuryente na maaaring kaharapin sa araw ng halalan ay tinugunan na nila.
Paniniguro nya, may 150 generator sets na silang nakaantabay at dadalhin ng mga roving crews at kaagad na maide-deliber sa mga polling at canvassing areas na posibleng mangailangan nito.
Mayroon na rin aniya silang 300 floodlights na nakahanda para sa deployment na magagamit sa anumang emergency.
Bagamat mas mababa naman aniya ang demand ng kuryente sa araw ng halalan dahil walang pasok sa eskwela at trabaho, ay pinayuhan na rin ng Meralco ang mga polling centers na magbaon ng backup lights bilang karagdagang precautionary measure.
Pinaalalahanan rin niya ang publiko, lalo na ang mga nakatalaga sa mga polling precincts, na umiwas muna sa paggamit ng mga electronic devices na hindi naman kakailanganin dahil maaari aniyang magdulot ito ng octopus connection, at magresulta sa problema sa kanilang internal wiring facilities.
166