Miru-Comelec deal tadtad ng ‘red flags’ GARCIA PINAKO-CONTEMPT SA KORTE SUPREMA

(JULIET PACOT)

HINILING kahapon ni dating Congressman Edgar Erice na i-contempt ng Korte Suprema si Commission on Elections (Comelec) Chairman George Erwin Garcia.

Kaugnay ito ng P18 billion kontrata ng Comelec sa Miru para sa automated elections.

Nauna nang sinabi ni Garcia na mapipilitan silang bumalik sa mano-manong botohan kapag ibinasura ng Korte Suprema ang kontrata sa Miru para sa 2025 midterm elections.

Sa tatlong pahinang mosyon, iginiit ni Erice na dapat iginagalang ang magiging desisyon at hindi binabalaan ang Kataas-taasang Hukuman.

Noong nakalipas na Abril ay nagsampa rin si Erice ng petition for certiorari sa SC na kumukwestyon sa awarding ng P18 billion contract sa Miru.

“Napakaraming red flags ng Miru at Comelec dito, napakaraming mga kaduda-dudang mga pangyayari, ni-rig yung bidding, kung merong may kasalanan dito walang iba kundi iyong Comelec,” aniya.

Hinimok din ni Erice ang Comelec na agad tumugon sa nasabing petisyon matapos silang bigyan ng SC ng 30-day extension para makapaghain ng kanilang komento na magtatapos ngayong araw (July 17).

Dagdag pa ng dating mambabatas, pinag-aaralan na niya ang paghahain ng kasong graft laban sa mga opisyal ng Comelec kabilang ang Bids and Awards Committee members nito.

Samantala, binuweltahan naman ni Garcia ang dating opisyal at ipinaliwanag na kailangan niyang magsalita para malaman ng tao ang update sa papalapit na eleksyon mula mismo sa Comelec.

Banat pa ni Chairman Garcia, “look who’s talking? Sino ba ang kabi-kabila ang presscon gayung ito ang petitioner ng kaso sa SC?”

Nauna rito, inihain sa Mababang Kapulungan ng Kongreso ang resolusyon para imbestigahan ang halos isang bilyong pisong offshore accounts ng umano’y Comelec official na hindi pinangalanan.

Ayon kay Sagip party-list Rep. Rodante Marcoleta, nakarating sa kanyang kaalaman ang pagkilos ng pera sa 18 bangko sa apat na bansa tulad ng Singapore, China/Hong Kong Caribbean at North Amerika na nagkakahalaga ng US$15.2 million o halos P1 bilyon.

Sa nasabing halaga, US$2.1 million o mahigit P120 million ay idineposito sa mga Korean Bank sa pagitan ng June 22, 2023 hanggang Marso 22, 2024.

“We should note that Miru system is from South Korea,” ani Marcoleta. Nagkataon na ang pagdeposito ay sa parehong buwan nang ideklara ng Comelec na “unserviceable” ang Vote Counting Machines (VCM) na hawak ng mga ito.

112

Related posts

Leave a Comment