Naunang ipinanawagan ni ex-ES Rodriguez SURVEY: TAUMBAYAN SANG-AYON SA GIYERA KONTRA KORUPSYON

(SAKSI NGAYON NEWS TEAM)

TULAD ng naunang panawagan ni dating Executive Secretary Atty. Vic Rodriguez, naniniwala ang nakararaming Pinoy na kailangan nang tugunan ng administrasyong Marcos ang usapin sa korupsyon.

Base sa 3rd Quarter Pahayag survey ng Publicus Asia, nangunguna ang usapin ng korupsyon sa mga nais patutukan ng mga Pinoy sa gobyerno.

Lumitaw na 18% sa respondents ang nagsasabi na dapat nang solusyonan ng kasalukuyang pamahalaan ang lumalalang usapin sa korupsyon. Sinundan ito ng inflation o ang pagtaas sa antas ng presyo ng mga kalakal at serbisyo na may 15%.

12% naman sa respondents ng survey ang nagnanais na maresolba ang isyu ng pangkalahatang ekonomiya ng bansa.

Ang kahirapan ay may 11% at ang isyu hinggil sa pagkakaroon ng trabaho ay may 7%.

Ang survey ay isinagawa mula Setyembre 15 hanggang 19, 2024 na may 1.5K respondents.

Sa “Luksang Bayan 9.21” rally kamakailan sa Plaza Independencia sa Cebu na inorganisa ng Hakbang ng Maisug, binigyang-diin ni Atty. Rodriguez ang talamak pa ring pagnanakaw sa kaban ng bayan, 52 taon makalipas patalsikin ng sambayanang Pilipino ang pamilya ng diktador na si Ferdinand Marcos Sr.

“Ninanakaw ang P800-B, nawawala ang P500-B, meron na ba kayong mabiling murang bigas sa mga panahon ngayon?

Ginagawa nilang pulitikal lahat. Bago mag-SONA sinabi nila lalabas na sa mga merkado ang P29 kada kilong bigas. Tapos na ho ang SONA, dalawang buwan na ang nakalilipas, meron ho ba kayong nabiling P29 bigas sa mga palengke?,” bahagi ng pananalita ni Rodriguez sa harap ng mga nakiisa sa rally.

Aniya, matindi na ang pasakit sa mga ordinaryong Pilipino ng kahirapan na dulot ng korupsyon.

Bunga nito, hinimok niya ang sambayanan na makiisa sa laban kontra sa pagnanakaw sa kaban ng bayan.

39

Related posts

Leave a Comment