(NI DANG SAMSON-GARCIA)
NAIS ni Senador Win Gatchalian na busisiin ang Nuclear Energy Program Implementing Organization (NEPIO) ng Department of Energy (DOE), kasama na ang rekomendasyon na pumasok ang bansa sa nuclear power program.
Sa gitna ito ng paghimok ni Gatchalian sa DOE na maging transparent sa kanilang nuclear program agenda.
Sa kanyang Senate Resolution 162, iginiit ng chair ng Senate Committee on Energy na dapat magkaroon ng komprehensibo, transparent na public discussion sa national nuclear program kasabay ng pagkunsidera sa social, economic, environmental, at technical effects at requirements ng programa.
Ipinaliwanag ng senador sa kanyang resolusyon na ang nuclear program sa anumang bansa ay nangangailangan ng tatlong phase kasama na ang mga imprastraktura.
Ngayon anya ang Pilipinas ay nasa Phase 1 pa lamangj kung saan binuo nito ang NEPIO na may mandato na pag-aralan ang development ng nuclear energy sa bansa habang ang dalawa pa anyang phase ay ang paghahanda para sa contracting at construction ng nuclear power plant at ang huli ay ang mga aktibidad na kinakailangan para sa first nuclear power plant.
“The NEPIO has transmitted a communication to the Office of the President, dated April16, 2018, containing the following recommendations: (1) Approval of a National Position to Embark on a Nuclear Power Program (NPP); (2) Issuance of an Executive Order in relation thereto; and (3) Filing and/or certification as urgent existing bills providing for a nuclear regulatory and legal framework,” paliwanag ni Gatchalian.
Pinuna rin ni Gatchalian ang hindi pagsasapubliko ng DOE ng resulta ng pagbisita ng mga kinatawan ng International Atomic Energy Agency sa bansa noong Pebrero at Disyembre 2018 para sa paglalatag ng programa.
Iginiit ng senador sa DOE na kailangan nitong maging transparent partikular sa paglagda ng Pilipinas at Russia sa kasunduan para sa posibleng pagtatayo ng nuclear power plant.
114