ONEROUS PROVISION SA WATER CONCESSION AGREEMENT BUBURAHIN

maynilad1

(NI BERNARD TAGUINOD)

SA ayaw at sa gusto ng mga water concessionaires, kailangang mabura ang mga ‘onerous’ contract sa concession agreement upang hindi maagrabyado ang gobyerno at consumers.

Ayon kay House committee on public accountability chair Mike Defensor, ng Anakalusugan party-list, sisimulan na nila na pagrerebyu sa concession agreement ng Manila Water at Maynilad sa gobyerno noong 1997.

“Iche-check na namin ang mga onerous provisions,” ani Defensor ukol sa susunod nilang agenda sa pagdinig sa concession agreement sa Manila Water at Maynila.

Sinabi ng mambabatas na 8 hanggang 12 ang natuklasan ng Department of Justice (DOJ) na provision sa concession agreement ang “onerous” kaya agrabyado aniya ang gobyerno at mga consumers.

Ayon naman kay Surigao del Sur Rep. Robert Ace Barbers, isa sa mga probisyon sa nasabing kontrata ay ang pag-alis sa kapangyarihan ng gobyerno na makiaalam kung magtaas o magbaba ng presyo ng tubig ang Manila Water at Maynilad.

“Yung provision na hindi puwedeng makialam ang gobyerno sa kanilang price adjustment, dapat mabura yun,” ani Barbers dahil ang gobyerno aniya ang ginagamit ng mga water concessionaires na garantor kapag nangangutang ang mga ito sa mga private group.

“Guarantor ang gobyerno (kapag nangutang sila) tapos hindi sila puwedeng makiaalam (kapag nagtaas sila ng singil)? Hindi puwede yun,” ayon pa sa mambabatas.

Magugunita na idinemanda ng Manila Water at Maynilad ang gobyerno sa Singapore based-Permanent Court of Arbitration (PCA) matapos hindi payagan ang mga ito na magtaas ng singil mula 2015 hangang 2017.

Nanalo rito ang Manila Water ng P7.4 Billion habang P3.4 Billion naman sa Maynilad bagay na ikinagalit ni Pangulong Rodrigo Duterte kaya inutos nito na rebyuhin ang water concession agreement.

Nangako na ang Manila Water at Maynilad na hindi na nila sisingilin ang kanilang monetary award sa PCA subalit tuloy pa rin ang pagrerebyu sa concession agreement dahil agrabyado umano ito ang gobyerno at mga consumers.

109

Related posts

Leave a Comment