(NI ABBY MENDOZA)
IPINAGMALAKI ni House Speaker at Philippine Sea Games Organizing Committee Chair Alan Peter Cayetano na nakatulong nang malaki sa ekonomiya ang katatapos na 2019 South East Asian Games, isa na rito ang pagpasok ng mga turista na kumita ang bansa ng mahigit sa P1 bilyon.
Ayon kay Cayetano ang inisyal na pumasok na revenue ay P1B, kanilang inaasahan na madaragdagan pa ang datos sa mga susunod na araw.
Sinabi ni Cayetano na hindi natatapos sa hosting ng bansa ang nakalilipas na Sea Games dahil nangako ang Pilipinas na tutulong sa Vietnam para naman sa pagdaraos ng 2021 games.
Ang alok na tulong ng Pilipinas sa Vietnam ay matapos na rin ang naging pahayag ng susunod na host country na 36 hanggang 40 sports events lamang ang kaya nitong i-host.
Ang Pilipinas ay naghost ng kabuuang 530 sports events para sa 56 na laro.
“We will help them, they are our brothers, bawat game ay unique, may uniqueness din tayo dahil Filipino tayo, so it doesn’t mean na kung hindi sing laki, they won’t have a better SEA Games,” paliwanag ni Cayetano.
Ikinatuwa naman ni Cayetano ang naging kabuuan ng 2019 Sea Games, bagamat nagkaroon ng aberya sa mga unang araw ay agad naresolba at naging best Sea Games hosting ever.
“We’re happy that this is the best SEA Games ever but we’ll support the next, and the next, and the next na host to have an even better SEA Games,” pagtatapos pa ni Cayetano.
189