(NI DANG SAMSON-GARCIA)
KINUMPIRMA ng asawa ni dating Calauan, Laguna mayor Antonio Sanchez na wala silang balak sundin ang atas ng Korte Suprema na bayaran ang P12 milyong danyos sa pamilya Sarmenta at Gomez.
Sa pagtatanong ni Senate Minority Leader Franklin Drilon sa pagdinig ng Senado hinggil sa implementasyon ng Good Conduct Time Allowance (GCTA) Law, nanindigan si Ginang Elvira Sanchez na hindi sangkot ang kanyang asawa sa kaso ng panggagahasa at pagpatay kina Eileen Sarmenta at Allan Gomez.
“Wala talaga kaming intensyon. Lagi po naming sinasabi, bakit po kami magbabayad kung wala namang kasalanan ang aking asawa,” saad ni Ginang Elvira.
Iginiit ni Ginang Elvira na nasa bahay ang kanyang asawa nang maganap ang krimen.
Mistula naman itong sinopla ni Drilon sa pagsasabing nabanggit na rin ng ginang ang naturang pahayag sa korte subalit hindi pinaniwalaan kaya’t wala na ring saysay banggitin pa ito sa pagdinig.
Sa gitna nito, nakiusap si Drilon kay Justice Secretary Menardo Guevarra na tumulong upang maobliga ang pamilya Sanchez na magbayad ng danyos.
Sa kabila ito ng pahayag ni Guevarra na criminal aspect lamang ang sakop ng government prosecutors at maaari ring natapos na ang prescription period sa paghahabol sa danyos.
150