(NI BERNARD TAGUINOD)
UPANG maisalba ang coconut industry at matulungan ang mga coco farmers, ipinag-utos ng isang mambabatas sa Mababang Kapulungan ng Kongreso na ipatigil muna ang pag-aangkat ng Palm oil.
Sa kanyang ihinaing resolusyon,hiniling ni House minority leader Danilo Suarez sa Department of Trade and Industry (DTI) na itigil muna ang pag-angkat sa nasabing produkto upang matulungan ang mga magsasaka ng Niyog sa bansa.
Ginawa ni Suarez ang kahilingan matapos bumagsak na sa P13 hanggang P15 ang bawat kilo ng copra sa bansa mula sa dating P30 hanggang P40 kada kilo noong nakaraang taon.
“The Department of Trade and Industry should look into this issue and consider the stoppage of importation of palm oil and the increase of copra prices to Php25 for an equitable playing field for domestic coconut producers,” ani Suarez sa kanyang resolusyon.
Talong talo umano ang mga magsasaka ng Niyog sa mga imported na palm oil dahil mas mura ito kumpara sa mantika na gawa ng niyog kaya dapat umanong matigil muna ang pag-angkat sa produktong ito.
Lumalabas habang tumatagal ay palaki ng palaki ang iniiangkat na palm oil na karaniwang galing sa Malaysia at Indonesia dahil walang buwis na binabayaran ang mga importers dahul sa umiiral na ASEAN Trade in Good Agreement.
Dahil dito, mas tinatangkilik na ang palm oil kumpara sa local product na gawa sa niyog kaya pagbagsak na ng pabagsak ang presyo ng copra sa bansa na iniinda na ng mga magsasaka.
Sinabi ng mambabatas na kailangang unahin muna ang kapakanan ng mga Filipinong magsasaka at itigil muna ang pag-angkat ng palm oil bago pa man tuluyang bumagsak ang coconut industry sa bansa.
270