(NI BERNARD TAGUINOD)
HINAHARANG ng mga kabataang estudyante na makaupo bilang kinatawan ng Duterte Youth si dating National Youth Commission (NYC) chair Ronald Cardema dahil bukod sa matanda na ito ay nagamit pa umano nito ang kanyang posisyon para manalo ang kanyang partido.
Mismong ang mga youth leader ng National Union of Students of the Philippines (NUSP), College Editors Guild of the Philippines (CEGP) at University of the Philippines (UP) na kaalyado ng Kabataan party-list ang naghain ng petisyon sa Commission on Elections (Comelec) para harangin ang pag-upo ni Cardema.
Nakakuha ng isang upuan ang Duterte Youth party-list sa nakaraang eleksyon subalit hindi ang mga orihinal na nonimee ng partido na sina Ducielle D. Suarez, Joseph De Guzman at Benilda De Guzman.
Lumalabas na asawa ni Cardema si Suarez at noong Mayo 12 o isang araw bago ang eleksyon ay nakatanggap ng notice of withdrawal ang mga nominees ng Youth Duterte dahil hindi umano magampanan ng mga ito ang kanilang inaasahang tungkulin kung saan ang NYC chair ang pumalit.
Sa nasabing petsa lamang nag-resign si Cardema sa kanyang posisyon gayong noong Pebrero 12 pa nagsimula ang kampanya sa national at party-list election.
“Comelec should junk Cardema’s shady tactics which mock the partylist system. He has been exposed as nothing but a power-hungry fraud in service only to himself and his patron Duterte. The youth will not let this stand,” ani Raoul Manuel, national spokesperson ng NUSP.
Maliban dito, nakasaad sa party-list system na ang mga nominees ng mga Youth Sector ay 25-anyos at hindi lalagpas sa 30-anyos bagay na malalabag kapag umupo si Cardema na kinatawan ng Duterte Youth.
Ayon sa mga petitioners, 32- anyos na si Cardema kaya hindi na ito maaaring maging kinatawan ng Duterte Youth sa Kamara sa 18th Congress.
109