PAGLAYA NI SANCHEZ SA LOOB NG 2 BUWAN, ITINANGGI

(NI ROSE PULGAR/PHOTO BY KIER CRUZ)

MARIING pinabulaanan ngayong Huwebes ni Bureau of Correction (BuCor) Director General Nicanor Faeldon ang napaulat na makalalaya na sa loob ng dalawang buwan si dating Calauan mayor Antonio Sanchez sa New Bilibid Prison (NBP) kung saan ito nakakulong sa Muntinlupa City.

Sa isang pulong balitaan na ginanap sa loob ng NBP, sinabi ni Faeldon na kailangan pang i-review ang kanyang good conduct and time allowance dahil nasasangkot din ang dating alkalde sa loob ng bilibid sa illegal na droga at mga kontrabando sa kanyang selda na nakumpiska sa isinagawang Oplan Galugad ng mga tauhan ng Special Action Force at mga Jail Officer.

Kabilang ang pagkakadiskubre ng P1.5 milyong halaga ng iligal na droga sa kanyang selda noong 2010 dahilan para hindi siya makasama sa mapalalaya.

Kasama rin dito ang pagkakadiskubre ng flat-screen television at air-conditioning unit sa kanyang selda noong 2015.

Hindi mag-qualify si Sanchez na makalaya sa susunod na mga buwan dahil may pagkakataon na hindi maganda ang pag uugali nito sa loob ng kulungan at may mga iba pa siyang kinakaharap na kaso.

Sinabi pa ni Faeldon, si Sanchez ay kasama pa rin sa computation sa 11,000 na preso na sumasailalim sa good conduct time allowance.

“Pero malabo siyang makalaya dahil may bad rekord ito sa loob ng bilibid,”dagdag pa ng opisyal.

Nilinaw din ni Faeldon, ang kumakalat na namataan umano si Sanchez  na may dalawang buwan na ang nakakalipas sa Calauan, Laguna. Aniya, ito ay walang katotohanan at kailan man ay hindi ito nakalalabas ng piitan.

Samantala, upang mapatunayan ng pamunuan ng BuCor na nanatili pa rin nakakulong si Sanchez sa loob ng bilibid ay pinasilip kahapon sa mga mamamahayag ang dating alkalde sa loob ng kanyang kulungan.

Nakita dito na palakad-lakad sa loob ng maximum security compound ng NBP na taliwas sa kumakalat sa social media na nakalaya na ang nasabing rapist murderer.

Kumaway pa si Sanchez nang tawagin ang kanyang pangalan at kitang-kita ng mga mamahayag.

Base sa rekord, naka 26 taon na si Sanchez sa kulungan at pag-aaralan pa kung siya ay makalalaya.

Nasa edad 73 na si Sanchez.

Una nang sinabi ni Justice Secretary Menardo Guevarra na maaaring mapasama si Sanchez sa mapalalayang mga bilanggo na kuwalipikado sa GCTA na naisabatas noong 2013 na nagtatapyas sa oras sa bilangguan ng mga bilanggo na nakulong noong dekada 90 ng aabot sa 19 na taon nang iutos ng Korte Suprema ang pagiging “retroactive” nito.

Nahatulan si Sanchez ng pitong bilang ng reclusion perpetua o 40 taong pagkakakulong noong 1995 dahil sa pagpatay kina Allan Gomez at Eileen Sarmenta na ginahasa rin ng dating alkalde.

Hinatulan din siya ng dalawang reclusion perpetua ng Korte Suprema noong Agosto 1999 dahil sa pagpatay sa mag-amang Nelson at Rickson Peñalosa.

Samantala, isang petisyon sa website na Change.org ang lumalakas ngayon na nananawagan sa DoJ na ipatupad ang pitong habambuhay na hatol kay Sanchez.

May 26,000 na pirma na ngayon ang petisyon na inumpisahan ng isang netizen na si “B. Vergara.

 

 

142

Related posts

Leave a Comment