Paglilinaw ng Palasyo PBBM WALA PANG BI COMMISSIONER

KAAGAD pinabulaanan ng Malakanyang na itinalaga ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr. si Atty. Abrahan Espejo Jr., dating dean ng College of Law ng New Era University, bilang bagong Bureau of Immigration commissioner.

Giit ni Press Secretary Trixie Cruz-Angeles, hanggang ngayon ay wala pa ring napipisil si Pangulong Marcos na maging bagong BI Commissioner.

“No appointment has yet been made to the position of Immigrations Commissioner,” ayon kay Cruz-Angeles sa isang kalatas.

Aniya pa, kinumpirma mismo ng kanyang tanggapan sa Presidential Management Staff (PMS), nagsasagawa ng kumpletong staff work sa mga appointment ang usaping ito, sinasabing walang dokumento na ipinalabas para sa nasabing posisyon.

Sa ulat, napirmahan na umano ni Pangulong Marcos ang appointment letter ni Espejo kapalit ni dating Immigration commissioner Jaime Morente.

Ito ay makaraang mag-leak na ang appointment letter na pirmado ng Pangulo para kay Espejo bilang bagong pinuno ng BI.

Nabatid na si Espejo ay naging abogado ni dating Pangulong Joseph Estrada.

Bago ito, unang itinalaga ni Department of Justice Secretary Jesus Crispin Remulla si Rogelio D. Gevero Jr. bilang officer-in-charge ng BI noong Hulyo 6, hanggang sa makapaglagay ng permanenteng commissioner.

Malaki umano ang maitutulong sa BI ng 59-taong gulang na si Espejo na armado ng mga kaalaman ukol sa immigration laws at may sapat na karanasan sa pamahalaan. (CHRISTIAN DALE)

Related posts

Leave a Comment