(NI KEVIN COLLANTES)
NAGING malugod ang pagtanggap ng Department of Education (DepEd) sa plano ng House of Representatives na repasuhin ang pagiging epektibo ng K to 12 Basic Education Program.
Sa isang kalatas, sinabi ng DepEd na umaasa itong magiging maganda ang kalalabasan ng pagrepaso sa K to 12 program at resulta sa panibagong commitment at inisyatiba sa pagitan ng mga mambabatas, advocates at iba pang stakeholders, na makatutulong para makamit ang layunin ng programa.
Nauna rito, inianunsiyo ni House Speaker Alan Peter Cayetano nitong Linggo na napagkasunduan ng mababang kapulungan ng Kongreso na kailangang rebyuhin ang K to 12 Program upang mabigyan ng pagkakataon ang DepEd na maibigay ang estado ng mga polisiya at programa at matukoy ang mga achievements at mga hamon na kinaharap nila, simula nang ipatupad ito noong School Year 2012-2013.
“Congress and DepEd have worked closely together since the previous budget hearings to address the issues of the K to 12 Program. A dedicated review session will provide an appropriate venue to comprehensively discuss concerns about the Program and plot out corresponding solutions,” ayon naman sa DepEd.
Dahil sa karagdagang P650 milyon sa panukalang 2020 budget, para sa pagpapahusay ng 12-year basic education program, nangangako ang DepEd na makikipag-ugnayan at makikipagtulungan sa mga miyembro ng Kongreso sa paggawa ng mga istratehiya upang epektibong maipatupad ang programa, bilang pagtalima sa Republic Act No. 10533 o ang Enhanced Basic Education Act of 2013 para sa kapakinabangan ng mga mag-aaral.
185