(NI DANG SAMSON-GARCIA)
NAIS ni Senador Francis “Kiko” Pangilinan na obligahin ang mga bangko na ilabas ang lahat ng charges na sinisingil sa paggamit ng automated teller machines.
Alinsunod sa Senate Bill 635 o proposed Automated Teller Machine (ATM) Fee Regulatory Act, magiging mandato ng financial institutions na ilabas sa ATM screen ang kabuuang transaction fee o surcharge na ipapataw bago matapos ang bawat transaksyon.
Ito ay upang magkaroon ng opsyon ang customer na kanselahin ang transaksyon kung mataas ang fees na kokolektahin.
“Banks always make ATM transactions a shocking experience for us because it’s only in the end when know how much we are charged. Ano yun? Sisingilin ka para kunin ang pera mo,” saad ni Pangilinan.
“Mula balance inquiry hanggang sa withdrawal, may kaltas. Kakarampot na nga ang sweldo ng ating mga kababayan, babawasan pa ng bangko. Wala naman tayong magawa dahil karamihan sa atin ay sa ATM pinadadaan ang sweldo,” dagdag nito.
Sa tala ng Bangko Sentral ng Pilipinas (BSP), hanggang noong October 2012, ang withdrawal fees ay maaring umabot hanggang P100; balance inquiry fees, P10; at interbank transfer fees, P100.
“This bill seeks to protect ATM cardholders from hidden, surprise, or unreasonable fees,” diin ni Pangilinan.
Nakasaad din sa panukala na magkaroon ng cap sa transaction fees kung saan hindi dapat lumagpas sa 1% ng total transaction amount ang ATM transaction fee.
162