PAMPANGA – Napipinto ang isang umaatikabong sagupaan sa pagitan ng alkalde at mga miyembro ng Sangguniang Bayan sa patuloy na paniningil ng toll fee sa mga dumadaan delivery trucks sa bayan ng San Simon – sa kabila pa ng pinagtibay na ordinansa.
Daing ng truckers at pribadong haulers, hindi makatwiran ang pangongolekta ng San Simon LGU sa kanilang hanay, kasabay ng panawagan kay San Simon Mayor Abundio Punsalan Jr. na igalang ang Joint Memorandum Circular 2021-01 na nilagdaan ng Department of Interior and Local Government (DILG), Department of Finance (DOF) at Anti-Red Tape Authority (ARTA).
Sa ilalim ng Joint Memorandum Order, suspendido ang pangongolekta ng San Simon LGU sa mga delivery trucks na dumadaan sa nasabing bayan – bagay na kinatigan ng lokal na konseho matapos pagtibayin ang isang ordinansang nagtatakda ng tigil-singilan sa hangaring bigyang pagkakataon makabangon ang ekonomiyang pinadapa ng pandemya.
Partikular na tinukoy ng konseho ang kalatas ng DILG na nag-uutos na ihinto ang paniningil ng P300 toll fee sa kada byahe ng mga trak na naghahatid ng mga produktong pasok sa kategorya ng “essential goods.”
Ayon sa DILG, walang dahilan para mangolekta ang San Simon sa mga naghahatid at dumadaang delivery trucks lalo pa’t hindi naman anila “national roads, at hindi municipal roads” ang ginagamit sa pagbiyahe ng mga pangunahing kalakal sa naturang lokalidad at karatig bayan.
Pag-amin ng mga konsehal na lumagda sa ordinansa, “ni hindi saklaw ng San Simon LGU ang mga kalsadang pinondohan ng national government.”
“Malinaw na sinuway ni Mayor (Punsalan) ang JMC na inilabas ng DILG, DOF at ARTA. Pati ang ordinansang binalangkas at pinagtibay ng mga konsehal niya, walang bisa sa kanya… kasi naman, tuloy-tuloy lang ang paniningil ng toll fees sa amin,” daing ng isang negosyante.
Nobyembre 24 nang ipasa ng Sangguniang Bayan ng San Simon ang ordinansang agad naman isinumite sa tanggapan ni Punsalan. Gayunpaman, tumanggi di umano ang alkalde na pirmahan ito.
Sa pagtataya ni Vice Mayor Romanoel Santos na siya rin tumatayong presiding officer ng konseho, mahigit P100 milyon ang taunang nalilikom ng munisipyo mula sa paniningil ng toll fees sa mga “delivery truck na nakikiraan lang” sa kanilang bayan.
Wala rin aniyang malinaw na paliwanag kung saan at paano ginagamit ang naturang koleksyon.
“Ang masaklap, kumikita nga ang munisipyo pero ipinapasa naman ng mga negosyante ang dagdag-gastos sa mga konsyumer.”
Samantala, nanawagan din ang hanay ng mga truckers at private hauling companies sa Palasyo – “If the current administration is committed to supporting ease of doing business to push the country’s economic growth, they need to take action in suspending the collection of illegal toll fees in San Simon,” sambit ni Robert Ramos ng RTR Trucking.
Sa datos ng Department of Finance (DOF), nasa 4% ang ambag ng transport service sector sa Gross Domestic Product (GDP) ng bansa. (JS)
![](https://saksingayon.com/wp-content/plugins/dp-post-views/images/eyes.png)