Pormal nang idineklara ang kandidatura ng mga senatoriable ng Alyansa para sa Bagong Pilipinas ni Pangulong Ferdinand ‘Bongbong’ Marcos Jr. sa Centennial Arena sa Laoag City, Ilocos Norte sa pagsisimula ng kampanya para sa midterm elections sa darating na Mayo 9, 2025. Ang senatorial slate ay binubuo nina dating Interior Secretary Benhur Abalos, Makati City Mayor Abby Binay, Senator Pia Cayetano, Senator Imee Marcos, Senator Lito Lapid, mga dating senador Panfilo Lacson at Manny Paquiao, Senator Ramon ‘Bong’ Revilla, Jr., dating Senate President Vicente ‘Tito’ Sotto III, Senator Francis Tolentino, dating DSWD Secretary Erwin Tulfo at Deputy Speaker Camille Villar. (DANNY BACOLOD)
LAOAG CITY, Ilocos Norte — WALO sa 12 kandidato sa pagkasenador ng Alyansa Para sa Bagong Pilipinas ang humarap sa mga mamamahayag bago ang tuluyang kick off rally para sa 2025 Midterm elections.
Kabilang sa mga dumalo sa inorganisang presscon sina dating DILG Secretary Benhur Abalos, Makati City Mayor Abby Binay, Senador Francis Tolentino, dating Senators Panfilo Lacson, Manny Pacquiao at Tito Sotto, kasama sina Cong. Camille Villar at Erwin Tulfo.
Sinabi ni Alyansa spokesperson at Cong Toby Tiangco, binuo ang alyansa para maisulong ang kandidatura ng mga kandidatong makatutulong sa pagsusulong ng programa ng Pangulo para sa pag-angat ng bansa.
Sinagot ng mga senador ang katanungan kung anong panukala ang prayoridad nilang maisulong sa Senado.
Ayon kay Lacson, hindi siya magsasawa na isulong ang panukala para sa pag-waive ng karapatan sa Bank Secrecy Law ng lahat ng government officials mula sa ibaba hanggang sa pangulo ng bansa.
Isusulong naman ni Sotto ang anti fake news at maging ang 14th month pay sa mga manggagawa habang pag-amyenda sa Local Government Code ang nais isulong ni dating DILG Secretary Benhur Abalos upang maiayos na ang batas kaugnay sa pag-delegate ng ilang tungkulin sa LGU na dapat ay national government ang gumagawa.
Pagbabawas naman ng buwis o VAT sa kuryente ang isusulong ni Senador Francis Tolentino upang mabawasan ang pasanin ng mga consumers habang iginiit ni Pacquiao ang pagtututok sa mga MSMEs at trabaho.
Tax exemption naman para sa 13th month pay at OT ang isusulong ni Binay habang si Villar ay tututok din sa pagpaparami ng trabaho samantalang iginiit Tulfo na tutukan ang livelihood program para sa mga kababayan at tuturuan na magnegosyo upang makatulong para sa karagdagang trabaho sa tulong ng DSWD. (DANG SAMSON-GARCIA)
