(NI BERNARD TAGUINOD)
MATAPOS kumpirmahin ng Department of Justice (DoJ) ang paglaya ni dating Calauan, Laguna mayor Antonio Sanchez, inarangkada ng grupo ng mga kabataan ang isang petisyon para harangin ito.
Sa pamamagitan ni Kabataan party-list Rep. Sarah Elago, sinimulan na ang pangangalap ng lagda upang hilingin sa DoJ na huwag palayain si Sanchez at sa halip ay dapat umanong aniyang pagsilbihan ng dating mayor ang kanyang pitong life sentence.
“Stop the Release of Mayor Antonio Sanchez; Let Him Serve His Seven Life Sentences – Sign the Petition!,” panawagan ni Elago sa publiko lalo na sa mga kabataan kung saan ibibigay ang makakalap na lagda sa DoJ.
Hindi sinabi ng batang mambabatas kung ilang libo o milyong lagda ang target ng mga ito na makalap sa kanilang petition campaign subalit nais umanong ipakita ng mga ito na hindi sila pabor na makalaya si Sanchez.
Si Sanchez ay unang nasyentensyahan ng pitong life imprisonment kasama ang anim niyang dating tauhan sa pagdukot at pagpatay kina Eileen Sarmenta at Alan Gomez, mga estudyante sa University of the Philippines, Los Banos (UPLB) Laguna noong 1993.
Base sa court record, iniregalo ng kanyang mga tauhan kay Sanchez si Sarmienta at matapos gahasain ay ipinasa niya ang biktima sa kanyang mga tauhan kung saan pinagtulungang gahasain bago pinatay habang tinorture at pinatay din ng mga suspek si Gomez.
Maging si Gabriela party-list Rep. Arlene Brosas ay nagsabi na hindi sapat ang 24 taong pagkakakulong si Sanchez bilang kabayaran sa karumal-dumal na krimeng ginawa nito sa mga biktima.
Kinastigo rin Brosas si Sen. Ronald dela Rosa dahil nais pahayag umano nito na dapat bigyan ng pangalawang tsansa si Sanchez kaya hindi ito tutol sa pagpapalaya sa dating alkalde.
“Senator Dela Rosa’s shameless show of support on Sanchez’s release is a gross disrespect to the families of the victims who are still grieving to this day,” ani Brosas na ang tinutukoy ay mga inosenteng napatay sa Oplan Tokhang na sinimulan ng senador noong hepe pa ito ng Philippine National Police (PNP).
128