(NI NOEL ABUEL)
DAPAT unahin ng pamahalaan ang pagbuo ng trabaho sa mga Filipino at hindi para sa mga Chinese nationals na dumaragsa sa bansa.
Ito ang pagkalampag ni Senador Bam Aquino sa administrasyon kung saan mahalagang maging sentro ng pamahalaan na bigyan ng trabaho ang mga Filipino at hindi bigyan ng espesyal na trato ang mga dayuhang manggagawa na nasa Pilipinas.
“Gamitin sana ni Pangulong Duterte ang pagkasiga niya sa paggawa ng mga trabaho para sa mga Pilipino at mga nasa Pilipinas at hindi para sa mga dayuhan,” sabi pa ni Aquino.
Giit pa nito na dapat gawing prayoridad ng pamahalaan ang maayos na trabaho sa mga Filipino sa buong bansa upang hindi na mangibang bansa ang mga ito para maghanap ng maayos na buhay.
“Ang daming Pilipino ang nagtatrabaho sa ibang bansa. Ang panaginip ng kanilang pamilya ay dito na sana sa Pilipinas makapagtrabaho ang kanilang mga mahal sa buhay,” ayon pa dito.
“Masakit na mawalay sa pamilya ngunit wala silang magawa dahil walang mahanap na trabaho sa Pilipinas. Subalit mas masakit malaman na dayuhang Tsino pala ang nakikinabang sa mga trabaho rito sa Pilipinas na dapat ay para sa kanila,” dagdag pa ng senador.
128