(NI CARL REFORMADO)
KASADO ang plebesito para sa Bangsamoro Organic Law (BOL) at inaasahan ang aabot sa 2.8 milyong katao ang boboto para sa makasaysayang ratipikasyon ng batas para sa karapatan ng mga Muslim bukas, Lunes, Enero 21.
Umabot sa mahigit sa 20,000 pulis at sundalo ang nagpapatupad ng checkpoints at liquor ban sa Autonomous Region in Muslim Mindanao (ARMM), Cotabato City, Isabela City at Basilan na pagdarausan ng plebesito.
“Let the people vote… Ang ipakita dito natin iyung masiguro iyung orderly and safe na conduct of the elections,” pahayag ni AFP Chief of Staff Gen. Benjamin Madrigal Jr.
Samantala, patuloy na iniimbestigahan ng pulisya ang posibleng kaugnayan sa plebesito sa naganap na pamamaril na ikinamatay ng isang lalaki at kanyang anak sa isang bayan sa Maguindanao kamakalawa.
Kamakalawa rin, nagsagawa ng motorcade sa Cotabato City ang daan-daang BOL detractor at supporters ngunit walang naganap na kaguluhan sa nabatid na pagkilos.
Habang ayon kay Bangsamoro Transition Authority chief minister Al- Hajj Murad Ebrahim, “all system go” at handa na ang ARMM, Cotabato City, Isabela City at Basilan City para sa BOL plebiscite bukas.
Bukod sa ilang tensyon sa Cotabato City at Lanao Del Norte, wala umanong ibang bantang nakikita ang pulisya, ayon kay Ibrahim.
“Nag-declare ang Comelec na isailalim sa kanilang kontrol ang Cotabato City dahil sa tensyon. Sa Lanao del Norte, may namumuo ring tensyon sa pagitan ng provincial government at anim na municipalities na supposed to be ay papasok sa Bangsamoro Autonomous government,” pahayag ni Ebrahim.
Dagdag niya, sa ngayon ay patuloy ang proseso nang pagtatag ng peace process ng PNP, AFP at MILF para matigil ang tensyon.
177