BOL PLEBISCITE: SEGURIDAD HINIGPITAN VS BOMBING

minda

(NI CARL REFORSADO)

MAGKASUNOD na pagpapasabog mula sa dalawang granada ang naganap sa bahay ng isang judge habang naghahanda na silang matulog Linggo ng gabi sa Barangay Rosary Heights, Cotabato City.

Dahil sa pangyayari ay agad ipinag-utos ni Autonomuos Region in Muslim Mindanao (ARMM) Regional Director Chief Supt. Graciano Mijares ang paghihigpit ng seguridad sa Cotabato City kasunod ng dalawang beses na paghahagis ng granada sa compound ng bahay ni MCTC Judge Angelito Razalan, 53, sa Sta. Maria st. ng nasabing barangay.

Pinakikilos na ni Mijares ang Cotabato City Police Office,  Maguindanao Police Provincial Office at Acting Force Commander, Regional Mobile Force Company 14 na makipag-coordinate sa Armed Forces of the Philippines para sa mas mahigpit na border Security control.

Base sa ulat na ipinadala ni Chief Insp. Roel Zafra, Cotabato City PNP Spokesperson, sa Camp Crame, dakong alas 9:10 ng gabi habang naghahanda na ang pamilya Razalan sa pagtulog ng makarinig sila ng dalawang kalabog buhat sa kanilang bubong at maya-maya pa ang dalawang magkasunod na pagsabog.

Wala namang naiulat na nasaktan sa dalawang pagsabog subalit nagbigay ito ng trauma sa pamilya Razalan lalo na sa mga bata.

Sa isinagawang imbestigasyon ng pulisya base sa salaysay ng mga testigo, dalawang hindi pa kilalang lalaki na nakasakay sa motorsiklo ang umanoy responsible sa paghahagis ng granada sa bahay ng mga Razalan na mabilis ding tumakas matapos ang pagpapasabog.

Nakuha ng Explosive Ordnance Division (EOD) ng Cotabato City PNP ang isang safety lever at 1 pull ring ng MK2 fragmentation grenade sa pinangyarihan ng insidente.

Patuloy na inaalam ng pulisya ang pagkakakilanlan ng mga suspek habang inaalam pa ang motibo ng nasabing pagpapasabog.

219

Related posts

Leave a Comment