PRESYO NG BIGAS LALONG TATAAS

(BERNARD TAGUINOD)

HINDI matatapos sa pinakahuling pagtaas ng presyo ng bigas na sinimulan na ng rice traders kapag tumaas pa ang halaga nito sa world market.

Ayon kay Bantay Bigas spokesperson Cathy Estavillo, walang ipinagkaiba ang Rice Tariffication Law sa Oil Deregulation Law na tumataas ang presyo ng langis sa lokal na merkado kapag tumaas ang halaga nito sa world market.

“Yung pag-liberalize sa bigas ay walang ipinagkaiba sa pag-liberalize sa industriya ng langis na kapag tumataas (ang presyo) sa world market, otomatik na tataas yung presyo nito sa lokal.

Nangyayari na nga,” ani Estavillo.

Sa ngayon ay tumaas na ng P5 ang bawat kilo ng bigas matapos itong inaanunsyo mismo aniya ng Department of Agriculture (DA) na pinamumunuan ni Pangulong Ferdinand “Bongbong” Marcos Jr.

Isa umano sa dahilan ng pagtaas ng presyo ng bigas ang nagmahal na farmgate price ng palay at tumaas na presyo sa world market.

Dahil dito, iminungkahi niyang amyendahan ang Rice Tariffication Law.

Ani Estavillo, bukod sa inilugmok ng nasabing batas ang mga magsasaka ay walang naging pakinabang ang consumers dahil hindi naman bumaba ang presyo ng bigas kahit bumaha ng imported rice sa bansa.

“Last year nag-import tayo ng 3.8 million metric tons, bumaba ba ang presyo? Hindi! Nagpatuloy ang pagtaas,” ani Estavillo kaya nararapat aniyang ibasura na nang tuluyan ang Rice Tariffication Law.

Panahon na rin aniyang ibalik ang hurisdiksyon sa National Food Authority (NFA) na mamili ng palay sa mga magsasaka sa mas mataas na presyo lalo na’t tumataas ang farm input ng mga ito na kanilang ikinalulugi.

Itinuturo sa RTL ang pagkawala sa merkado ng NFA rice na nagkakahalaga lamang ng P27 kada kilo na ang labis naapektuhan ay consumers habang lalong yumaman aniya ang rice importers.

Consumers sinisi

Sa kabilang dako, sa halip pasipain ang produksyon, mas pinili ng isang ahensya ng pamahalaan na ibunton ang sisi sa mga konsyumer na nagsasayang sa limitadong supply ng bigas sa merkado.

Ayon sa Philippine Rice Research Institute (PRRI), nasa P7.2-bilyong halaga ng bigas ang nasasayang kada taon dahil sa nakagawiang paghahain ng higit pa sa angkop na konsumo. Ang resulta, natitira lang ang pagkain sa plato.

Sa datos ng PRRI, hindi bababa sa dalawang kutsarang bigas ang natatapon kada araw – sapat para pakainin ang nasa dalawang milyong Pilipino kada taon.

Pagtataya ng Department of Agriculture (DA), inaasahan kakapusin ng hindi bababa sa 80,000 metriko tonelada ang supply ng bigas sa merkado pagsapit ng buwan ng Hulyo.

Batay sa pag-aaral ng mga ekonomista, asahan ang pagtaas ng presyo ng anumang produkto sa merkado sa tuwing kinakapos ang supply sa mga pamilihan.

No more ‘extra rice’

Nauna nang pinayuhan ng grupong Federation of Free Farmers Cooperative (FFFC) ang publiko na magbawas sa pagkain ng kanin.

Para kay FFFC Chairman at dating Agriculture Secretary Leonardo Montemayor, isa itong paraan upang makatipid ang mga Pinoy.

Hangga’t maaari aniya ay bawasan ang pagkonsumo ng “extra rice” bagaman aminado siyang maaaring mahirapan ang mga Pinoy mag-adjust dahil kanin ang ating pangunahing pagkain.

1443

Related posts

Leave a Comment